NHA

Cotabato, Zamboanga del Sur IPs nagkabahay sa NHA

Jun I Legaspi Aug 10, 2025
266 Views

NAMIGAY kamakailan ang National Housing Authority (NHA) ng mga housing units sa 100 pamilya sa indigenous peoples (IPs) sa Cotabato at Zamboanga del Sur para tulungan ang mga katutubo na magkaroon ng ligtas, disente at marangal na bahay.

Sa ilalim ng pamumuno ni General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Region 12 Regional Manager Engr. Zenaida Cabiles ang turnover at awarding ceremony ng P20-million Upper Bulanan Village IP Housing Project sa Midsayap, Cotabato na ginanap sa Sitio Butong, Cotabato.

Tinanggap nina Gov. Emmylou Taliño-Mendoza at Mayor Rolando Sacdalan ang handog ng NHA.

Naging posible ang inisyatibong ito sa pagtutulungan ng NHA, pamahalaang munisipal at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Ang proyekto, na bahagi ng Resettlement Assistance Program for Local Government Units (RAP-LGU) ng ahensya, ay mapapakinabangan ng 100 pamilya mula sa Erumanen Menuvu IP.

Samantala, 68 benepisyaryo na miyembro ng Subanen IP ang tumanggap ng certificates of award mula sa NHA-Region 9-ZDS/ZDN/ARMM-A District Office para sa kanilang mga bagong tahanan sa Sunop IP Housing Project sa Dumingag, Zamboanga del Sur.

Ang seremonya, na dinaluhan din ni Dumingag Mayor Jerry T. Paglinawan at ilang opisyal mula sa NCIP at lokal na pamahalaan, ay naghudyat ng pagkumpleto sa target na 100 housing units para sa mga IP ng munisipalidad.

“Bilang isa sa mga key shelter agencies (KSAs) ng bansa, tuloy-tuloy po ang trabaho ng NHA na makapaghandog ng ligtas, maayos, at disenteng tahanan, lalo’t higit po para sa ating mga kababayang kasama sa marginalized sectors katulad ng mga indigenous groups,” sabi ni GM Tai.

Nagpasalamat ang mga benepisyaryong sa NHA para sa housing assistance at sa patuloy na suporta ng ahensya para sa pag-unlad ng mga IP communities sa buong bansa.

Matagal nang sumusuporta ang NHA sa mga IP ng bansa sa pamamagitan ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP).

Sa ilalim ng HAPIP, nagpaplano at nagpapatayo ang ahensya ng mga tirahan sa itinuturing na ancestral domains ng mga IPs o sa mga lupain na pag-aari ng LGU na tanggap ng mga IP.