Isko1

Yorme Isko ibabalik ISKOlar ng Bayan program

Edd Reyes Aug 10, 2025
358 Views

MAIBABALIK na ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang “ISKOlar ng Bayan Program” na dati niyang inilunsad noong siya ay konsehal pa lamang hanggang maging bise alkalde ng Maynila.

Inihayag ni Mayor Isko Moreno ang pagbuhay muli sa programa nang bumisita sa kanyang tanggapan ang Informatics Philippines para mag-alok ng 50 porsiyentong diskuwento sa matrikula para sa mga kuwalipikadong estudyante ng Maynila.

Sinabi ng alkalde na bukas para sa mga undergraduate at diploma programs ang ISKOlar ng Bayan, pati na rin sa mga kawani ng Manila City Hall, lalo na’t layunin nitong turuan ang mga Manileño sa paggamit ng artificial intelligence at pag-unawa sa mga moderno at digital na teknolohiya, bilang tugon sa new normal o panahon ng digitalization.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno na kasama rin sa plano ng Informatics ang pagtulong sa mga barangay upang mapaunlad ang kaalaman sa teknolohiya sa pamamagitan ng “Barangay DigiHall,” na magbibigay ng access at pagsasanay para sa lahat.

Isinulong ng Informatics Philippines ang ganitong inisyatiba upang maging kauna-unahan ang Lungsod ng Maynila sa pagpapahusay ng kakayahan pagdating sa teknolohiya, na magiging daan upang ito ay maging ganap na digitally transformed, mula barangay level hanggang sa buong lungsod.

Nauna rito, bumisita rin kay Mayor Isko Moreno ang San Sebastian College-Recoletos Manila upang mag-alok din ng 50 porsiyentong diskuwento sa matrikula para sa mga bagong mag-aaral at mga transferee na lehitimong naninirahan sa Maynila, sa pakikipagtulugan naman ng Augustian Recollect solidarity network (ARCORES) Filipinas.

Sa mga nagnanais mag-enroll, kumuha lamang ng endorsement letter mula sa kani-kanilang kura paroko o barangay chairman, kalakip ang mga admission requirements at hintayin ang matatanggap na email matapos ang screening process sa mga kuwalipikadong aplikante.