Calendar
Sangkatutak na boga, bala nakuha sa 2 Tsino sa Makati
NADAKIP ng mga pulis noong Biyernes ang dalawang Chinese national na may mga high-powered na baril sa inuupahang bahay sa Antipolo St., Brgy. Valenzuela sa Makati City.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) acting director P/BGen. Randy Arceo ang mga nadakip na sina alyas Zhuang, 28; at Zhen, 31.
Sinalakay ang bahay ng dalawa at inaresto, ayon kay Makati police chief P/Col. Reycon Garduque, dakong alas-9:30 ng gabi sa bisa ng search warrant na pirmado ni Makati Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Gina M. Bibat-Palamos ng Branch 64 dahil sa pag-iingat ng iba’t-ibang uri ng armas.
Kabilang sa mga nakumpiska sa dalawang suspek ang isang kalibre .45 pistola na may dalawang magazine na may tig-limang bala, isang magazine para sa .9mm pistol, isang kalibre .357 revolver na may 14 na bala, isang kalibre .22 sniper rifle na may 10 bala, isang 12-gauge shotgun na may magazine at isang kahong bala.
Sa report kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen, Anthony Aberin, sinabi ng mga pulis na iniimbestigahan pa kung miyembro ang dalawang Chinese ng People’s Liberation Army na ang layunin ay mag-espiya sa bansa.
Sinampahan na ang dalawang dayuhan ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) sa Makati City Prosecutor’s Office
