Bata

Isinusulong ni Vargas Magna Carta para sa mga Out-of-School Youth: ‘Walang maiiwan’

470 Views

SA pagdiriwang ng International Youth Day at National Youth Week sa bansa, muling nanawagan si Kinatawan PM Vargas ng Ika-limang Distrito ng Lungsod Quezon na bigyang proteksyon at kapangyarihan ang isa sa mga madalas na napapabayaan na sektor sa lipunan — ang mga out-of-school youth (OSY).

Si Vargas, na kasalukuyang Deputy Majority Leader, ay muling inihain ang House Bill 3415 o ang panukalang “Magna Carta of the Out-of-School Youth,” isang hakbang na naglalayong tiyakin ang mga karapatan ng mga kabataang Pilipino na hindi kasalukuyang naka-enrol sa pormal na edukasyon, at palawakin ang kanilang akses sa edukasyon, pagsasanay sa hanapbuhay, trabaho, serbisyong pangkalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan.

“Ang mga OSY ay isa sa mga marginalized na sektor sa ating lipunan. Madalas, nakatuon ang mga polisiya natin sa mga kabataang nasa paaralan. Kaya ang pagsasabatas ng HB 3415 ay isang hakbang upang maipantay natin sila sa lipunan,” ani Vargas.

Nakasaad sa panukala ang paglikha ng isang Out-of-School Youth Welfare Council na siyang mangunguna sa koordinasyon ng mga inter-agency na hakbang upang maipahatid ang mga pambansang programa at serbisyo para sa OSY, at kilalanin sila bilang mahalagang bahagi ng pambansang pag-unlad. Layunin din ng panukala na pangalagaan ang kanilang mga karapatan, kabilang ang proteksyon laban sa karahasan at pagkakaroon ng patas na pagkakataon sa pagkatuto.

Ayon kay Vargas, ang panukala ay pagpapatuloy ng nasimulang adbokasiya ng kanyang kapatid na si dating Rep. Alfred Vargas, na unang nagsulong ng komprehensibong legal na framework para sa kapakanan ng OSY noong siya ay nasa Kongreso pa.

“Sa paggunita natin sa kabataan ngayong linggo, kailangang tiyakin nating walang maiiwan—lalo na ang mga hindi naabot ng pormal na edukasyon,” diin ni Vargas. “Hindi lamang ito pagdiriwang, kundi isang panawagan sa pagkilos.”

Ginugunita ang International Youth Day tuwing ika-12 ng Agosto, habang ipinagdiriwang ang “Linggo ng Kabataan” sa Pilipinas mula Agosto 12 hanggang 17 upang itaas ang kamalayan ng publiko sa mga isyung kinakaharap ng kabataan at hikayatin ang suporta para sa mga solusyon.