Santos

Off limits ang sugal sa Las Piñas, paninindigan ni Santos

Mar Rodriguez Aug 11, 2025
394 Views

OFF LIMITS dapat ang sugal sa Las Piñas”.

Ito ang paninindigan ni neophyte Las Piñas Lone District Representative Mark Anthony Santos patungkol sa pinapanukalang $1-bilyong investment para sa “twin integrated casino resort” na nakatakdang itayo sa kanilang siyudad.

Dahil dito, nagbabala ang kongresista na ang pagbubukas ng casino sa Las Piñas ay inaasahang magluluwal din ng pang-matagalang problema hindi lamang para sa mga residente ng kanilang lugar kundi pati narin sa ekonomiya ng siyudad.

Pagbibigay diin ni Santos na ang Las Piñas ay isang tahimik na lugar kung saan ang mga naninirahan aniya dito ay matatawag na “family-oriented” at hindi isang “gambling hotspot” at ang pagbubukas ng casino ang maaaring pagsimulan ng unti-unting pagka-lulong sa sugal ng mga kabataan at mga residente ng Las Piñas.

Ipinaliwanag pa ni Santos na hindi kayang tumabasan ng anomang halaga ng salapi ang peligro at perwisyong posibleng idulot umano ng pagkakaroon ng casino sa kanilang lugar kagaya ng kriminalidad at pagkawasak ng isang pamilya dahil sa sugal.

“Las Piñas is a peaceful family-oriented city and not a gambling hotspot. A casino here will expose our residents, especially the youth to addiction, crushing debt and criminal activities. No amount of profit can justify the risk,” sabi ni Santos.