Calendar
Kinilala ni PLt. Col. Maria Agbon (kaliwa), hepe ng MPD Sta. Mesa Station 8, ang suspek na nanghimas ng hita at puwet ng dalaga sa Sta. Mesa, Manila.
Mga kuha ni JON-JON C. REYES
Kelot tiklo sa paghimas sa hita, wetpak ng dalaga
KULUNGAN ang kinahantungan ng 44-anyos na lalaki na inireklamo ng biktima dahil siya’y hinaplusan at hinalikan sa hita at pilit na ipinapasok ang kamay ng suspek sa kanyang shorts at hawakan ang kanyang puwet habang siya’y natutulog.
Nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa may Barangay 598, Sta. Mesa, Manila, madaling araw ng Lunes.
Nahaharap sa kasong acts of lasciviousness na base sa Article 336 ng Revised Penal Code ang suspek na nakilalang si alyas “Eliot Cortez” na residente ng San Martin Street, Sta. Mesa, Manila.
Ayon kay PLt. Col. Maria Agbon, commander ng Manila Police District (MPD) Sta. Mesa Police Station 8, bandang alas-12:20 ng hatinggabi nang mangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima na nakilalang si alyas “Christine” na 19-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, natutulog ang biktima sa loob ng kanyang bahay nang maalimpungatan at may maramdamang may humahawak at humahalik sa kanyang kanang hita, at pilit na ipinapasok ang kamay sa loob ng kanyang shorts at hawakan ang kanyang puwet.
Nang kanyang pagmasdan nakita ng biktima ang suspek na katabi nito at nagawang pumasok sa loob ng banyo.
Dahil sa takot at pagkabigla, nagawang sundan ng biktima ang suspek at kinaladkad niya ito palabas ng kanyang bahay. Agad din niyang isinumbong ang insidente sa kanyang ama na nakatira malapit sa kanila, bago itinawag sa barangay at sa MPD Sta. Mesa Police Station 8.
Bunsod nito’y agarang naaresto ang suspek. Dinala ito sa Women’s Desk para sa tamang disposisyon at inanunsyo ang kanyang mga karapatan na naunawaan naman niya.
Dinala rin ito sa Ospital ng Sampaloc para sa physical at medical examination.
Pansamantalang inilagay ang suspek sa custodial facility ng nasabing police station habang ang pormal na reklamo para sa acts of lasciviousness ay ire-refer sa Office of the City Prosecutor para sa inquest proceedings.

