Calendar
Daluyan ng tubig na barado ng basura, pangunahing sanhi ng pagbaha sa Metro Manila — MMDA chief
KINUMPIRMA ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando “Don” Artes sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts noong Miyerkules ng hapon na isa sa pangunahing dahilan ng paulit-ulit na pagbaha sa Kamaynilaan ay ang mga basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig, na nagpapawalang-bisa kahit sa pinakamodernong flood control facilities.
Sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon hinggil sa mga proyekto ng pamahalaan laban sa pagbaha, kinatigan ni Artes ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang mga basurang humaharang sa daloy ng tubig ay may malaking epekto pagiging epektibo ng pumping stations na mahalaga sa flood control system ng Metro Manila.
“Kahit ano pong ganda ng pumping station natin at mga project, kung nahaharangan po ng basura ay hindi po magiging [epektibo],” ani Artes sa komite.
“Ito pong mga basura ay nakakapagpabagal po ng daloy ng tubig at nagre-render inefficient ng ating mga pumping stations,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Artes na may mga salaan ang bawat pumping station upang pigilan ang pagpasok ng basura sa mga bomba.
Gayunpaman, may ilang debris gaya ng kahoy at iba pang solid waste na nakakalusot at bumabara, na nagiging dahilan ng pagtigil ng operasyon ng mga bomba.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang isang insidente kung saan awtomatikong huminto ang isang bomba dahil natuyo ang intake nito, kahit baha pa rin ang lugar na dapat nitong serbisyuhan.
Nangyayari ito kapag hindi makapasok ang tubig-ulan sa pumping station dahil sa baradong drainage lines at waterways.
“May salaan po ‘yung ating pumping stations para harangin po ‘yung basura. Minsan po may nakakalusot talaga at papasok sa ating mga bomba [kaya] kailangan po naming tumigil. Isa po ang explanation doon: hindi makarating sa aming pumping station ‘yung tubig ulan para mabomba palabas ng major waterway,” paliwanag ni Artes.
Sa parehong pagdinig, sinabi ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na humigit-kumulang 1.8 milyong tonelada ng basura ang hindi nakokolekta sa Metro Manila kada taon, na kalauna’y napupunta sa mga daluyan ng tubig at nagpapalala sa pagbaha.
Binigyang-diin ni Erice na ang tunay na disiplina sa mamamayan ay makakamit lamang kung may maayos at epektibong waste management system.
Samantala, nanawagan si Rizal 3rd District Rep. Jojo Garcia, dating MMDA general manager, sa mga lokal na pamahalaan na agad na magpatupad ng mas mahusay na koleksyon ng basura at paglilinis ng mga daluyan ng tubig, sa halip na hintayin pa ang pagkumpleto ng malalaking proyektong imprastruktura.
Ipinaliwanag ni Garcia na sa mga masisikip na komunidad, hindi kayang itago ng mga residente ang hindi nakokolektang basura sa kanilang maliliit na tahanan nang matagal, kaya napipilitan silang itapon ito sa kalsada, estero, at ilog na bumabara sa daluyan at nagpapalala sa pagbaha.
Kasalukuyang sinusuri ng komite ni Ridon ang performance ng mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa flood control projects, gayundin ang mga sistematikong problemang nagpapalala sa pagbaha sa Metro Manila.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangang tugunan kapwa ang kakulangan sa imprastruktura at ang mga akayon ng tao gaya ng ilegal na pagtatapon ng basura.
Sa pangungun ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, magpapatuloy ang pagdinig sa Mababang Kapulungan hanggang sa matukoy ang malinaw na mga lehislasyon at hakbang na pang administratibo upang maresolba ang problema sa pagbaha.

