Rehab

Senado hati kung batang kriminal dapat rehab o kulong

197 Views

MAGKAKAIBA ang pananaw ng mga senador sa panukalang batas na naglalayong ibaba sa 10 taong gulang ang edad ng pananagutang kriminal, lalo na para sa mga kasong may kinalaman sa karumal-dumal na krimen.

Isinusulong ni Senador Robinhood Padilla ang Senate Bill No. 372, na layong amyendahan ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Ayon kay Padilla, kailangang rebyuhin ang umiiral na batas sa gitna ng mga insidenteng kinasasangkutan ng kabataan.

“Young people are capable of planning and committing horrific crimes,” iginiit niya. Tinukoy niyang kabilang sa mga kasong sakop ng panukala ang parricide, murder, rape, kidnapping with killing or rape, robbery with homicide or rape, destructive arson, at mga seryosong krimen kaugnay ng ilegal na droga.

Ipinaliwanag pa niya na may mga pag-aaral na nagpapakita ng ugnayan ng hindi agarang pagtugon sa mga gawaing kriminal ng kabataan at ang posibilidad ng pag-ulit ng mga ito sa hinaharap.

Suportado naman ng ilang mambabatas ang panukala ni Padilla kung saan ay naglahad ang mga ito ng ilang insidente sa nakaraan.

Ikinuwento ni Senador Raffy Tulfo na sa kanyang programa sa radyo, ilang ulit na niyang naitala ang mga kasong sangkot ang menor de edad sa malalalang krimen. “Victims’ families are often left frustrated because they cannot get justice,” aniya.

Samantala, iginiit ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na ginagamit ng mga sindikatong kriminal ang mga menor de edad bilang tagapaghatid ng droga o sa mga aktong kriminal tulad ng pagnanakaw. Tinukoy pa niyang may ilang kabataang bumubuo na ng sariling mga grupong kriminal. “May ilan na gumagamit ng kanilang birth certificate upang makaiwas sa parusa,” dagdag pa niya.

Ngunit may mga mambabatas ding mariing tumututol sa panukala kabilang na mismo ng may akda nito na si Sen. Francis Kiko Pangilinan.

Binigyang-diin ni Senador Pangilinan, pangunahing may-akda ng RA 9344 at ng mga naging susog nito, na hindi ang edad ang problema kundi ang implementasyon ng batas. “Claims that minors cannot be punished are ‘fake news’,” aniya, at binanggit ang Maguad killings case kung saan kahit mga menor de edad ay nakulong. Ipinunto niyang sa ilalim ng umiiral na batas, ang mga kasong gaya ng rape at homicide ay may kalakip na mandatory confinement na hindi bababa sa isang taon at maaaring tumagal ng tatlong taon o higit pa, depende sa utos ng korte.

Sa panig din ng mga tumututol, ipinahayag ni Senador Sherwin Gatchalian na dating naging Mayor ng Valenzuela City bago naging senador, ang kahalagahan ng rehabilitasyon at reintegrasyon para sa kabataang nasangkot sa krimen. Bilang patunay, binanggit niya ang Valenzuela City Bahay Pag-asa, isa sa mga unang pasilidad na itinatag sa bisa ng batas, na matagumpay umanong nakapagpabago sa buhay ng mga batang nagkamali.

Iginiit ni Pangilinan at Gatchalian ang kahalagahan na bigyan pagkakataun ang mga kabataan na naligaw ng landas upang baguhin ang landas nang kinabukasan para magkaroon umano ang mga nagkakamaling bata ng pagkakataun muli para makapagsimula ang mga ito ng panibagong buhay.