Calendar
Source: PNA
‘Tuklaw’ hao shao, walang permit sa ‘min–NTA
WALANG awtorisasyon mula sa National Tobacco Administration (NTA) para sa importasyon ng sigarilyong “Thuoc Lao,” na kilala din sa “Tuklaw.”
Ayon kay NTA Administrator at CEO Belinda Sanchez, hindi nag-isyu ang ahensiya ng import license sa kahit sinong cigarette manufacturer upang madala sa bansa ang naturang sigarilyo.
Binalaaan ni Sanchez ang publiko na huwag bumili ng naturang sigarilyo dahil umano sa masamang epekto nito sa tao.
Matatandaan na may mga kabataan na nangisay umano dahil sa paghithit ng “Tuklaw.”
Ayon sa pag-aaral, tumutubo ang “Thuoc Lao” sa mga kabundukan sa Northern Vietnam.
Hinithithit ito o nginunguya bilang bahagi ng ritwal. Karaniwang sinisigarilyo ito gamit ng tabako o pipe na bamboo bong ang tawag sa Vietnam.
Umaabot sa siyam na porsiyento ang nicotine content ng “Thuoc Lao,” mas mataas sa ordinaryong sigarilyo na mayroon lamang isa hanggang tatlong porsiyentong nicotine content.
Ang “Tuklaw” na mayroong synthetic cannabinoids, ay kinukunsiderang smuggled good at ibinebenta online.
Umapela si Sanchez sa publiko na agad na ireport sa awtoridad kapag may nakitang naninigarilyo ng Tuklaw sa kanilang komunidad.
“If we work together in curbing illicit tobacco trade, the future of our tobacco farmers and those who depend on the industry is sustained and our economy strengthened,” dagdag pa nito.
Batay sa nadiskubre ng NTA, nanggagaling ang ilegal na sigarilyo sa Indonesia at Malaysia at binabiyahe sa dagat. Ipinapasok ang mga ito sa entry points sa Zamboanga, General Santos, Davao, at Palawan.
Ginagawa ang pag-distribute at pagbebenta nito sa pamamagitan ng mga wholesaler, retailer at sa mga bahay-bahay ng mga sales agent.

