Acidre

Acidre itinulak 10-point higher education reform agenda sa AACCUP Summit

332 Views

IPRINISINTA ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson Rep. Jude Acidre ang 10-point legislative agenda na naglalayong palakasin at iangat ang kalidad ng higher education sa bansa.

Ginawa ito ni Acidre sa kanyang key note speech sa kauna-unahang AACCUP Presidents’ Summit na ginanap sa Century Park Hotel, Maynila noong Biyernes.

Dumalo sa dalawang-araw na pagtitipon na inorganisa ng Accrediting Agency of Chartered Colleges and Universities in the Philippines (AACCUP) ang mga presidente at bise presidente ng State Universities and Colleges (SUCs), kasama ang mga eksperto sa quality assurance mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa temang “Quality Assurance and Accreditation: New Framework, New Directions in Higher Education.”

“These priorities are anchored on a single conviction: that higher education must be responsive to the changing times, inclusive of all learners, and aligned with the nation’s aspirations for sustainable growth and social progress,” ayon kay Acidre.

Kabilang sa mga pangunahing prayoridad na kanyang inilahad ang sumusunod:

1. Modernisasyon ng CHED Charter sa pamamagitan ng CHED Modernization and Governance Reform Act.

2. Pagpapalawak ng access at pagbibigay ng pantay na oportunidad para sa mga mahihirap na estudyante.

3. Pagsusulong ng digital transformation upang walang maiwang institusyon sa higher education o technical-vocational training.

4. Pag-institutionalize ng lifelong learning, flexible pathways, at micro-credentials para gawing bahagi ng buhay ng bawat Pilipino ang edukasyon.

5. Pagpapalakas sa quality assurance ecosystem upang maayon ang akademikong kahusayan sa pangangailangan ng labor market.

6. Pagsasama ng work-integrated learning at industry linkages upang matiyak na may konkretong karanasan sa trabaho ang mga nagtapos.

7. Modernisasyon ng TESDA Charter upang manatiling makabuluhan at mabilis umangkop ang technical-vocational education.

8. Paglalaan ng puhunan para sa faculty development at research capacity upang itaas ang kalidad ng pagtuturo.

9. Pagpapalakas ng public-private complementarity sa paghahatid ng higher educatio .

10. Pagtaguyod ng student welfare at support services bilang mahalagang haligi ng tagumpay sa pag-aaral.

“These are not just legislative priorities—they are commitments. Every policy we pass, every program we support, every reform we fight for—these must ultimately be for the students whose futures depend on us,” saad ni Acidre

Iginiit din ni Acidre ang pangangailangan na magkaroon ng mas matibay na pagtutulungan ng mga mambabatas, mga pinuno ng paaralan, industriya, at mga komunidad.

Binigyang-diin niya na ang tunay na pag-unlad ay nagaganap sa pamamagitan ng pagtutulungan at kongkretong aksyon sa loob ng mga paaralan, silid-aralan, at komunidad.