CIDG

5 dayuhan, 2 Pinoy nagpapatakbo ng iligal na online hub sa Makati, arestado

Alfred Dalizon Aug 18, 2025
306 Views

INARESTO ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang limang dayuhan na pinaghihinalaang nagpapatakbo ng ilegal na Internet Gaming Licensee (IGL) o POGO hub sa Makati City kamakailan.

Ayon kay PNP-CIDG Director Brigadier General Christopher N. Abrahano, kabilang sa mga inaresto ang tatlong lalaking Taiwanese, isang lalaking Burmese (mula Myanmar), at isang babaeng Chinese.

Dalawang Pilipinang kasabwat ng mga ito ang nadakip din ng CIDG-National Capital Region Field Unit sa isinagawang pagsalakay sa umano’y ilegal na pasugalan sa isang gusali sa kahabaan ng Arnaiz Avenue, Barangay San Lorenzo, Makati City, bandang alas-4 ng hapon noong Biyernes.

Inaresto ang lahat ng pito dahil sa kanilang umano’y partisipasyon sa ilegal na online gaming operation na nag-aalok ng serbisyo ng sugal sa mga merkado sa labas ng bansa.

Nasamsam sa operasyon ang 59 yunit ng computer monitors, 27 desktop computers, 10 computer processing units, iba’t ibang Information Communication Technology (ICT) devices, 25 piraso ng pre-registered SIM cards, 27 sari-saring ID cards, at mga business documents.

Sinampahan ng kaso ang mga suspek sa National Prosecution Service dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602 (Iligal na Pagsusugal), kaugnay ng Executive Order No. 74; Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012); at RA 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998).

Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng CIDG laban sa mga iligal na IGLs at POGOs sa bansa, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief General Nicolas D. Torre III para sa isang mabilis at epektibong hanay ng pulisya.