Nadia1 Source: Nadia Montenegro

Political Affairs Officer ang pwestong inalisan ni Nadia

271 Views

NAGBITIW sa tungkulin ang aktres na si Nadia Montenegro bilang Political Affairs Officer VI sa opisina ni Senador Robin Padilla—isang posisyong may halagang halos P100,000 kada buwan—kasunod ng insidente ng umano’y amoy ng marijuana sa loob ng isang comfort room sa Senado.

Ang nasabing posisyon ay may Salary Grade 24, ayon sa 2025 pay schedule ng Department of Budget and Management (DBM), na may minimum na buwanang sahod na P98,185, bukod pa sa mga allowance at benepisyo.

Kumpirmado ni Atty. Rudolf Philip Jurado, chief of staff ni Padilla, na tinanggap na ang pagbibitiw ni Montenegro noong Agosto 18.

“Today, we received the written explanation and letter of resignation of Ms. Nadia Montenegro. Her resignation has been accepted,” ani Jurado.

Ang kanyang pagbibitiw ay sumunod sa dalawang insidente kung saan naitala ang marijuana-like na amoy sa ladies’ restroom malapit sa opisina ng mga senador—una noong kalagitnaan ng Hulyo at ikalawa noong Agosto 12.

Ayon sa incident report ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), parehong insidenteng naroroon umano si Montenegro.

Nag-leave si Montenegro noong Agosto 13, araw rin ng pagsisimula ng pormal na imbestigasyon.

Inendorso ang OSAA report kay Senate President Francis Escudero at ipinadala sa tanggapan ni Padilla, na nagbigay kay Montenegro ng limang araw upang tumugon.

Sa kanyang resignation letter, binigyang-diin niya ang kanyang respeto sa Senado at sa batas.

“She wrote that she was honored to serve in public office as a Political Affairs Officer and served with the utmost integrity, honesty, and respect for laws and regulations.”

Iginiit pa niya: “She stated that she would never disrespect the Senate or betray the trust given to her by engaging in any unlawful or improper conduct.”

Aniya, pinanghahawakan niya ang mataas na pamantayan ng etika at hindi siya gagawa ng bagay na makasisira sa kanyang pangalan o sa kanyang pamilya.

Bagama’t itinanggi ni Montenegro ang paggamit ng marijuana, inamin niyang may dala siyang vape device na, ayon sa kanya, maaaring pinagmulan ng amoy. Hindi siya pormal na kinasuhan, ngunit lumabas ang kanyang pangalan sa incident log na kumalat sa publiko.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang opisina ni Padilla kung totoong tumatanggap si Montenegro ng halos P100,000 kada buwan kasama ang mga benepisyo.