Calendar
Sotto isinusulong malayang komisyon na titingin sa mga gusto sa infra projects
SA gitna ng maanomalya ghost project na nadiskubre mismo ng Pangulong Marcos jr., sa bayan ng Bulacan, iminungkahi ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang pagtatatag ng isang malayang komisyon na may sapat na kapangyarihan upang siyasatin ang malawakang anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno, sa gitna ng lumalakas na panawagan ng publiko para sa pananagutan at reporma.
Sa isang pahayag na binasa sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga “ghost” flood control projects, binigyang-diin ni Sotto ang lumalalim na galit ng sambayanan. “Corruption is now seen, heard, and felt by Filipinos more than ever. Hindi lang sa flood control projects kundi sa classrooms, kalsada, at iba pang proyekto,” aniya.
Bilang tugon, inihain ni Sotto ang Senate Bill No. 1215 na naglalayong magtatag ng Independent People’s Commission (IPC)—isang hiwalay at malayang fact-finding body na may kapangyarihang imbestigahan ang lahat ng imprastrukturang proyekto ng gobyerno, maging ito man ay kasalukuyan o nakaraan.
Magkakaroon ito ng mandato na magsagawa ng sariling imbestigasyon, mag-audit ng mga dokumento, magpatawag ng mga opisyal, at magrekomenda ng nararapat na kasong kriminal o administratibo.
“The IPC will not be under any existing government department. It will be independent from the DPWH, independent from the executive, and will include citizen representatives,” paliwanag ni Sotto.
Tinukoy niya ang matagal nang kabulukan sa procurement system ng gobyerno, na aniya’y hindi pa rin natutugunan kahit ilang ulit nang iniimbestigahan. “Bilyong piso ang nawawala, taon-taon. Wala namang napaparusahan. Paulit-ulit ang kwento,” giit niya.
Kwestyon din ni Sotto kung bakit ang mga proyekto na hindi maayos ang kalidad o hindi pa tapos ay patuloy na pumapasa sa mga inspeksyon at nababayaran ng buo.
“Paano na-approve? Paano na-liquidate? Sino ang pumirma? These are the questions we must answer,” aniya.
Ayon sa panukala, ang IPC ay mag-uulat nang direkta sa Kongreso at sa Office of the President. Ang mga miyembro nito ay magmumula sa legal na propesyon, civil society, at hanay ng mga eksperto sa engineering. Layunin nitong ibalik ang tiwala ng publiko sa paggugol sa imprastruktura at pigilan ang maling paggamit ng buwis ng mamamayan.
“Ang Pilipino ay masipag at matiyaga. Pero bawat pisong kinokolekta sa buwis ay parang nawawala lang sa alon ng katiwalian,” saad pa ni Sotto, sabay panawagan sa agarang pag-apruba ng panukalang batas.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado, ang panukalang ito ay inaasahang magiging bahagi ng mas malawak na hakbang ng lehislatura upang sagutin ang mga isyu ng sabwatan, labis na pagpepresyo, at mga proyektong kathang-isip sa ilalim ng flood control program ng DPWH.

