Bus

LTO pinatawag may ari ng bus na smoke belching

Jun I Legaspi Aug 20, 2025
365 Views

INILAGAY ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sa alarm status ang isang pampasaherong bus na naging viral matapos mamataan na nagbubuga ng itim na usok sa pampublikong kalsada.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapaglabas na ng show cause order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng naturang bus, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. na tiyaking mahigpit na naipapatupad ang lahat ng batas sa transportasyong panlupa, kabilang ang pagbabawal sa smoke belching.

“Nagpapasalamat kami sa ating mga kababayan na nagpo-post ng mga ganitong uri ng paglabag sa social media. Ipinapangako naming may nakatalaga kaming social media monitoring team upang matulungan kaming habulin ang mga lumalabag,” pahayag ni Asec. Mendoza.

“Sa kasong ito, malinaw na paglabag ito sa umiiral na batas laban sa smoke belching,” dagdag pa niya.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, inatasan ang rehistradong may-ari ng Sta. Monica Transport Service Cooperative na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng kaukulang parusa kaugnay ng smoke belching, bilang paglabag sa Section 46 ng Republic Act No. 8749, o ang “Philippine Clean Air Act of 1999.”

“Inaatasan ka ring magsumite at magprisinta ng inspection report, kasama ng anumang kaugnay na maintenance record ng naturang unit, sa itinakdang pagdinig,” ayon sa SCO.

Ayon kay Melitante, ang desisyon na ilagay sa ilalim ng alarm status ang bus ay ginawa upang matiyak na walang transaksiyon na maisasagawa para sa naturang sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Itinakda ang pagdinig para sa kasong ito sa Setyembre 10 sa LTO Central Office.