Calendar
Irrevocable resignation ng NBI Chief, inaasahang tatanggapin ni PBBM
INAASAHAN na tatanggapin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hindi na mababawi) na pagbibitiw sa puwesto ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, ayon sa Malacañang nitong Miyerkules.
“Hindi po naipaalam sa atin sa ngayon kung sila’y nagkausap pero ang irrevocable resignation ng NBI Director ay for acceptance (para sa pagtanggap),” ayon kay Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.
Sa isang liham na ipinadaan kay Executive Secretary Lucas Bersamin noong Agosto 15, sinabi ni Santiago na siya ay naghain ng kanyang hindi na mababawi na pagbibitiw, na epektibo kaagad sa oras na maitalaga ang kanyang kapalit.
Sa nasabing liham, binanggit ni Santiago na, “Ang aking mga detractors at ang mga may masasamang interes sa aking posisyon ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang upang sirain ang aking reputasyon.”
Wala pang ibinibigay na detalye ukol sa posibleng kapalit ni Santiago bilang pinuno ng NBI.
Gayunpaman, tiniyak ni Castro sa publiko na hindi maaapektuhan ang operasyon at serbisyo ng NBI sa kabila ng pagbibitiw ng kanilang direktor.
Ito ay matapos siyang tanungin tungkol sa mga isinasagawang imbestigasyon ng NBI, kabilang ang patuloy na imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
“Marami naman pong mga tao pa rin po [sa NBI] na may kredibilidad at maaasahan at mapapagkatiwalaan. Sila pa rin po ay patuloy na nagtatrabaho para dito,” ani Castro.

