Calendar
Comelec Chairman George Erwin Garcia
Comelec Chief Erwin Garcia na-Salisi Gang sa restoran
NABIKTIMA ng “Salisi Gang” si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia habang kumakain sa isang restaurant tanghali ng Martes sa Pasay City.
Sa ulat ni Pasay police chief P/Col. Joselito de Sesto kay Southern Police District (SPD) acting district director P/BGen. Randy Arceo, nangyari ang insidente dakong alas-12:50 ng hapon sa ikalawang palapag ng bantog na restaurant sa kanto ng Gil Puyat Avenue at service road ng Roxas Boulevard.
Galing umano sa pagdinig ng Senado hinggil sa political dynasty si Garcia at bago bumalik ng tanggapan ay kumain muna kasama ang bodyguard sa bantog na restaurant.
Habang hinihintay ang kanilang order, may dumating na anim na kalalakihang nagpanggap ding mga customer.
Ilang saglit lang, napansin ni Garcia na wala na ang kanyang bag na naglalaman ng salapi, cellular phone, identification cards at personal na gamit na inilagay niya sa katabing upuan.
Nang rebisahin ng pulisya ang CCTV na ikinabit ng barangay sa naturang lugar, nakita rito ang anim na kalalakihan, na ayon sa bodyguard ni Garcia at dalawa pang waiter, na silang pumasok sa restaurant.
Nahagip din ng kuha ang pagtakas ng mga suspek, sakay ng isang silver na Toyota Innova na may plakang ZEF 399.
Kinilala naman ng pulisya ang tatlo sa anim na suspek na sina alyas “Romson” ng Longos, Tabing Dagat, Zapote I; alyas “Alberto” ng San Nicolas, Zapote, Bacoor, Cavite; at alyas “Jun” ng Talaba 3, Bacoor. Sila ay pawang mga miyembro ng Salisi Gang na may rekord na ng pananalisi, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa tatlo nilang kasamahan.
Nang makarating kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pangyayari, kaagad niyang inatasan si De Sesto na gawin ang lahat ng hakbang upang madakip ang mga kawatan at maibalik kay Garcia ang mga natangay na gamit.

