Senado

Gob, mayor nais isali sa pagdinig sa nat’l badyet

288 Views

HINIMOK ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang finance panel ng Senado na anyayahan ang mga gobernador at mayor ng lungsod sa pagdinig para sa panukalang pambansang badyet sa 2026.

Giit niya, matagal nang hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na lider na makilahok sa usapin ng pambansang paggasta.

“It is now time to give them a seat at the table,” wika ni Escudero, habang inirekomenda niya kay Senador Sherwin Gatchalian, chair ng Committee on Finance, na bigyang boses ang mga LGU sa deliberasyon ng pinakamahalagang panukalang gastusin ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Escudero na palaging nakakadalo sa Senado ang mga opisyal ng iba’t ibang kagawaran at bureau, subalit ang mga lokal na opisyal na siyang direktang nagpapatupad ng mga proyekto ay hindi nabibigyan ng pagkakataon.

“Kung mga division heads ng maliliit na bureaus ay dumadalo, bakit ang mga pinuno ng probinsya at malalaking lungsod ay hindi?” tanong niya.

Binigyang-diin pa ng pinuno ng Senado na mahalagang papel ang ginagampanan ng mga lokal na opisyal upang masuri kung ang mga proyekto ay talagang makikinabang ang kanilang mga komunidad at kung may banta ng overpricing.

Ayon pa sa kanya, ang mga proyektong ipinapasok nang walang konsultasyon ay karaniwang nagiging dahilan ng pagkasayang ng pondo at nauuwi sa mga “white elephants.”

“Teritoryo nila ang mga ito. Kaya sila ang mas nakakaalam kung tunay na kailangan ang isang proyekto,” dagdag pa niya.

Upang mapalakas ang partisipasyon ng mga LGU, iminungkahi ni Escudero na gawing requirement ang pagkuha ng endorsements mula sa Provincial at Regional Development Councils para sa lahat ng development projects.

Sa ganitong paraan, masisiguro na naipapaalam sa mga lokal na pamahalaan ang mga pambansang programa para sa darating na taon.