Pic

Maynila sinuyod magdamag, sex workers, palaboy, mga lumabag sa curfew nasagip

Edd Reyes Aug 21, 2025
379 Views

Pic1UMABOT sa 71 katao, kabilang ang 12 mga kababaihang nagbebenta umano ng panandaliang aliw, mga menor-de-edad na lumabag sa curfew, at ilang palaboy ang sinagip nina MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente sa mga lansangan sa C.M. Recto, Rizal Avenue, at iba pang lugar sa Distrito ng Paco.

Ayon kay Dela Fuente, ipinatawag nila ang mga magulang ng mga menor-de-edad na sinagip habang ang walang permanenteng tirahan na natutulog lamang sa bangketa at pakalat-kalat sa lansangan ay dinala nila sa Manila Boystown Complex sa Marikina matapos pakainin at bigyan ng maayos at malinis na damit.

Ang mga nasa hustong gulang na wala ng permanenteng tirahan ay dinala naman sa Luwalhati ng Maynila sa Fortune Avenue, Marikina,na isa namang lugar na kumukupkop at nangangalaga sa mga matatanda at mga wala ng tirahan sa Maynila.

Sinabi ni Dela Fuente na ang mga nasagip nilang kababaihan na nagtatrabaho umano bilang “sex workers” ay isinailalim sa rehabilitasyon ng kanilang mga social workers at kanya ring iniutos na i-monitor ang kalagayan ng mga ito kung biktima sila ng trafficking o inaabuso sa prostitusyon.

Pinaalalahanan din niya ang mga Manilenyo sa mahigpit nilang pagpapatupad ng direktiba ni Yorme Isko kaugnay sa ipinaiiral na curfew sa mga menor-de-edad sa lungsod mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

“Sa lahat ng mga magulang, sinupin po natin mga anak natin lalo na sa gabi, may gobyerno na po tayong ipinaiiral at sinusunod po namin ito kahit na walang tulugan,” dagdag pa ni Dela Fuente.