Suspek

2 HVI nakalawit, P.6M shabu nasamsam sa Dasmarinas City

Dennis Abrina Aug 21, 2025
274 Views

Camp BGEN Vicente P Lim— Dalawang High Value Individuals ang naaresto ng mga operatiba ng Dasmariñas Drug Enforcement Unit sa isinagawang buy-bust operation Miyerkules ng hapon, Agosto 20, 2025, sa kahabaan ng Villar City Road, Barangay Salawag, Dasmariñas City.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Muklo,” 26, at alyas “Adam”, 31, kapwa residente ng Brgy. Sultan Esmael, Dasmariñas City at parehong tubong Lanao del Sur.

Nasamsam sa operasyon ang dalawang heat-sealed sachets at isang knot-tied sealed plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 91 gramo at katumbas na halagang P618,800 sa Standard Drug Price.
Kasama rin sa mga nakumpiska ang dalawang pirasong tig-₱500 marked money na ginamit sa transaksyon.

Sa pahayag ni PBGen. Jack L Wanky, Regional Director ng PRO CALABARZON, kanyang binigyang-diin ang patuloy na determinasyon ng pulisya sa kampanya laban sa ilegal na droga.

“Walang puwang sa CALABARZON ang mga sindikato at indibidwal na patuloy na nagpapakalat ng ipinagbabawal na droga. Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng mas pinaiigting na aksyon ng pulisya upang masiguro ang kaligtasan at kapayapaan ng ating mga pamayanan,” saad ng Regional.Director.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala na sa Provincial Forensic Unit sa Imus City para sa kaukulang pagsusuri sa laboratoryo. Inihahanda na rin ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek sa Office of the City Prosecutor.

Patuloy parin ang panawagan ng Police Regional Office CALABARZON sa publiko na makiisa at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng impormasyon laban sa ilegal na droga.

“Sa ating mga kababayan dito sa CALABARZON, mag-report ng anumang kahina-hinalang aktibidad o indibidwal sa inyong mga lugar. Dial 911, at kami ay tutugon at darating sa loob ng limang minuto,” dagdag ni PBGEN Wanky.

Samantala, ang dalawang naarestong indibidwal ay nahaharap sa paglabag sa mga probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa Sections 5, 11 at 26.(RPIO4A).