NLEX Nagpakitang gilas ang Blackwater Bossing sa Kadayawan basketball tournament. PBA photo

NLEX, Blackwater nagpasikat sa Kadayawan

Robert Andaya Aug 22, 2025
548 Views

PINAYUKO ng NLEX ang Converge, 95-88, habang binigo ng Blackwater ang Phoenix Super LPG, 95-81, sa pagbubukas ng 40th Kadayawan Invitational basketball tournament sa University of Southeastern Philippines sa Davao kamakailan.

Nagpakitang gilas si Robert Bolick sa kanyang 22 points para sa Road Warriors, na lumamang ng 19 points, 71-52, sa third quarter sa harap ng madaming mga manonood sa kumpetisyonna bahagi ng taunang Kadayawan celebrations.

Gayunman, kinailangan ng Road Warriors ng isang 7-0 finishing kick, kabilang ang clutch three-point shot ni Richie Rodger matapos makahabol at tumabla ang Converge, 88-all sa huling dalawang minuto ng laro.

Ang naturang three-pointer ni Rodger ang tumapos sa tangkang rally ng Converge, na kung saan umiskor si Alex Stockton ng isang pull-up jumper para iparehas ng iskor, 88-all.

Subalit isang turnover ni Stockton ang nagbukas ng daan para sa closing run ng NLEX

Samantala, sumandal ang Bossing sa fourth-quarter explosion ni Fil-Am guard Sedrick Barefield para padapain ang Fuel Masters

Nagtala si Barefield, last year’s No. 2 overall pick, ng 28 points na tinampukan ng 6-of-13 shooting mula three-point area.

Naging responsible din si Barefield sa pagbigay ng malaking bentahe para sa Bossing, na lumamang ng 81-68 mula sa unang dikit lamang na score.

Ang panalo ng Blackwater ay naging spoiler para kay Willy Wilson na siyang bagong head coach ng Phoenix

Sunod na magtutuos ang NLEX at Blackwater simula 7 p.m. sa pagpapatuloy ng aksyon sa short, four-team tournament sa parehong venue.

Maghaharap naman ang Converge at Phoenix simula 5 p.m.