Vic Reyes

Mag-ingat sa impostor!

Vic Reyes Aug 27, 2025
390 Views

ISANG mapagpalang araw sa lahat ng ating mambabasa.

Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.

Binabati natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina Ma. Theresa Yasuki, Aimi Houchii, Patricia Coronel, Chato Coronel, Yoshiko Katsumata, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Lorna Pangan Tadokoro, Hiroki Hayashi, Winger dela Cruz, at Hiroshi Katsumata.

Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)

***

Kahit saan ay mayroon talagang manloloko.

Pero ika nga “walang manloloko kung walang nagpapaloko.”

Kaya naman nagwarning ang Bureau of Customs (BOC) sa mga importador at customs broker sa aduana.

Huwag maniwala sa mga taong nangangako ng “preferential treatment” kapalit ng pera.

Sinabi ni Commissioner Ariel S. Nepomuceno na hindi ito programa ng ahensya na kanyang pinamumunuan.

Ang nasabing scam ay kagagawan ng mga taong “impostor” na dapat na mahuli at maparusahan.

Ang mga impostor na ito ay nangangakong magbibigay ng“preferential treatment” sa pagproseso ng mga importasyon.

Kung anu-anong gimik talaga ang naiisip ng mga mandurugas sa “snake-infested waterfront.”

Hindi sila nauubusan ng gimik para lang kumita.

Mabuti naman at nag-warning na ang BOC dahil talaga namang matatamis magsalita ang mga scammer.

Kayang-kaya nilang mangumbinsi ng mabibiktima.

Ang pinakamaganda ay isuplong sa BOC ang mga taong gumagawa nito.

Malamang na mabibiktima nila ang mga importador at customs broker na may problema ang mga shipment.

Kung may problema ang mga shipment ninyo, mabuti pang lumapit kayo sa mga kawani o opisyal mismo ng BOC.

Mas matulungan pa nila kayong ayusin ang mga problema sa pamamagitan ng legal means.

Kaya ingat sa mga impostor!

***

Apat na araw na lang ay September 1.

Ang ibig sabihin nito ay simula na ng Christmas Season sa Pilipinas, na nakilalang may pinaka-mahabang Holiday Season sa buong mundo.

Sana sa pagsisimula ng pinaka-masayang season sa bansa ay mawala ang mga problema.

Sa totoo lang, pulitika ang puno at dulo ng marami nating mga problema.

Huwag natin kalimutan na ang mga politiko lang ang nakikinabang sa eleksyon, nasyonal man o lokal.

Sana kapag tapos na ang eleksyon ay tapos na rin ang patutsadahan dahil walang makakatulong sa atin kung hindi ang mga kamag-anak at kapitbahay natin.

Tama ba kami, Finance Secretary Ralph Recto?