Calendar
Pangilinan aprub sa mungkahi na regulatory powers ibalik sa NFA
NAGBABALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na posibleng mas nakasama kaysa nakabuti ang Rice Tariffication Law (RTL) sa bansa, matapos lumutang sa imbestigasyon ng Senado na lalong naghihirap ang mga magsasakang Pilipino habang nananatiling mahal ang bigas sa merkado.
Kinatigan ni Pangilinan ang mungkahing muling pagbibigay ng regulatory powers sa NFA. Binalikan niya ang kanyang naging panunungkulan bilang NFA Council Chair kung kailan, ayon sa kanya, bumaba ang rice inflation mula 15% tungong 0.8% dahil sa mahigpit na monitoring at epektibong interbensyon. “If the NFA is given the right powers and has serious leadership, it can be done,” aniya.
Sa isang pinagsamang pagdinig ng mga komite sa Agrikultura, Ways and Means, at Finance, binigyang-diin ni Pangilinan na hindi nakatulong ang patuloy na pag-aangkat ng bigas para ibaba ang presyo sa mga pamilihan, at hindi rin nito napabuti ang kita ng mga magpapalay. “Mahal pa rin ang bigas sa palengke. Napakamura ang bilihan ng palay sa bukid,” aniya.
Pinangunahan ni Pangilinan ang pagdinig kasama si Senate President Francis “Chiz” Escudero at iba pang senador, upang repasuhin ang pagpapatupad ng RTL anim na taon mula nang maisabatas ito. Sinuri rin sa pagdinig ang mga mungkahing reporma upang matugunan ang isyu ng mataas na presyo ng bigas, pag-asa sa imported na suplay, at kawalang-proteksyon sa mga lokal na magsasaka.
Bago pa man ang pagdinig, inihayag na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pansamantalang suspensyon ng rice imports sa loob ng 60 araw simula Setyembre 1, 2025—isang hakbang na nagpapakita ng seryosong pagtitimbang ng pamahalaan sa epekto ng RTL sa ating mga magsasaka.
Sa naturang pagdinig, ipinresenta ni Department of Agriculture Undersecretary Asis Perez ang mga datos na nagpapakita ng nakaambang panganib sa ₱385 bilyong industriya ng bigas sa bansa. Ayon sa kanya, 80% ng inaangkat na bigas ay premium-grade DT8 na pumapasok sa bansa sa halagang ₱32 kada kilo at naibebenta sa pamilihan sa ₱40 kada kilo—mas mura at mas maganda ang kalidad kumpara sa lokal na bigas na nagkakahalaga ng ₱35 hanggang ₱50 kada kilo.
“Consumers prefer imported rice due to price and quality,” ani Perez. “But this could crash palay prices and paralyze local mills.” Ipinunto niyang kahit ang bigas mula Myanmar na may presyong ₱26 kada kilo at may 15% buwis ay mas pinipili pa rin kaysa lokal na ani, dahilan upang masapawan ang mga lokal na magsasaka.
Binigyang babala ng DA na nasa 3.4 milyong magsasaka at manggagawa sa rice sector ang ngayon ay nahaharap sa banta ng kawalan ng hanapbuhay.
Tinukoy ni Perez na dahil sa pagbawas ng papel ng pamahalaan sa regulasyon ng merkado, hindi na kayang protektahan ng estado ang mga magsasaka mula sa pabagu-bagong presyo sa pandaigdigang merkado. Nawalan na ng kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) sa pamamahala ng buffer stock at sa tamang timing ng pag-aangkat.
Bagama’t mahigit ₱60 bilyon na ang nakolekta sa ilalim ng RTL mula sa mga taripa at inilaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), nananatiling mababa ang ani ng mga magsasaka sa 4.1 metric tons kada ektarya. Mataas pa rin ang gastos sa produksyon, mababa ang presyo ng palay, at patuloy ang mga pagkalugi matapos ang anihan.
“Pero hindi pa rin umuunlad ang kalagayan ng ating mga magpapalay,” giit ni Pangilinan. Muling binuksan niya ang tanong sa Senado kung saan napunta ang malaking pondo mula sa RTL. “Sino ang mga nakinabang?” dagdag pa niya, habang nanawagan ng ganap na transparency sa paggamit ng naturang pondo.
Inilahad din ni Perez na lumiit ang bahagi ng mga magsasaka sa presyo ng bigas—mula 43.4% bago ang RTL, bumaba ito sa 39.5% sa kasalukuyan. Sa kabilang banda, lumaki ang kita ng mga retailer at wholesaler. Ayon pa sa datos, umaabot na sa 8.6% ng arawang kita ng isang minimum wage earner ang napupunta sa pagbili ng bigas, na nagpapakita ng pagbabalik sa antas ng hirap bago ang reporma.
Isa pang napansin sa pagdinig ay ang matinding kakulangan sa mga extension workers na nagbibigay ng suporta sa mga magsasaka. Sa kasalukuyan, mayroon lamang 1,220 rice-focused agricultural technicians sa buong bansa—isa lamang sa bawat 2,541 ektarya. Samantalang ang ideal ay isa sa bawat 150 hanggang 200 ektarya. “No policy can succeed without strong extension support,” diin ni Perez.
Bilang tugon sa mga krisis na ito, inilahad ng Department of Agriculture ang isang roadmap na tinawag na Seven Pillars. Layunin ng planong ito ang muling pagbabalik ng regulasyon ng estado sa sektor ng bigas, pag-integrate ng mga programang gaya ng RCEF at National Rice Program, pagbangon ng extension system, modernisasyon ng NFA, pagbabalanse sa interes ng mga magsasaka at mamimili, at pagbibigay ng insentibo sa mga pribadong kasangkot sa value chain.
Sa pagpapatuloy ng mga pagdinig, ipinahiwatig ng mga senador ang posibleng pagsasama-sama ng iba’t ibang panukalang batas tungo sa isang pinagsanib na hakbang ng reporma para itama ang mga depekto ng RTL. “The promises of RTL remain to be realized,” giit ni Pangilinan. “But through legislation and leadership, we can still fulfill them.”

