Liang Actor-singer Ronnie Liang

Actor-singer umaming nabiktima rin ng pekeng opisyal

Alfred Dalizon Aug 27, 2025
282 Views

UMAMIN ang actor-singer na si Ronnie Liang na isa rin siya sa mga naging biktima ng isang diumano’y pekeng opisyal ng Malacañang na kamakailan lang ay muling naging kontrobersiyal matapos ibunyag ng limang tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang suhulan para makaligtas sa isang malaking kaso ang akusado.

Nagtungo si Liang sa National Police Commission (Napolcom) para personal na magpasalamat kay Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer, Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan dahil sa agarang aksiyon ng komisyon kaugnay ng reklamo ng limang operatiba ng PNP–HPG laban sa kanilang superior officer na diumano’y tumanggap ng suhol mula sa isang umano’y scammer, ayon sa isang pahayag ng Napolcom.

Pinasalamatan din ni Liang ang limang miyembro ng PNP-HPG na nagbunyag sa umano’y katiwalian ng kanilang dating division chief na na diumano’y tumulong para gumaan ang kaso ng umano’y scammer kapalit ang halos P7 milyon.

Sa kanyang pahayag sa Napolcom, inilahad ni Liang na kabilang siya sa mga diumano’y nabiktima ng scammer, na una na niyang sinampahan ng syndicated estafa case kasama ang lima pa. Wala pang pahayag ang mga akusado kaugnay ng mga kasong isinampa sa kanila ni Liang.

Sinabi ng actor-singer na nahikayat siya na mag-invest ng halagang P4.535 million at US$50,000 sa “foreign exchange/stock trading business” noong Pebrero 2022.

Sa kanilang usapan, napagkasunduan na ang “short-time investment” ni Liang sa naturang kompanya ay magbibigay sa kanya ng 8 percent monthly interest o “cash out” makalipas ang kanilang lock-in period.

Dahil sa matamis na pananalita ng akusado, sinabi ni Liang na nagdeposito siya ng P1 milyon sa bank account ng akusado. Matapos noon, siya ay nakatanggap ng P80,000 na buwanang kita mula sa kumpanya sa loob ng halos isang taon.

Ngunit noong Pebrero 2023, nag-umpisa nang tumigil ang padala ng kumpanya sa aktor. Sinabi ni Liang na muli siyang pinangakuan na kikita uli ang kanyang investment kung magdadagdag siya ng pera sa kanyang kumpanya.

Muli, naglagak ng P1.4 milyon ang actor sa isa pang kumpanya ng akusado kapalit ang P120,000 buwanang profit.

Ayon kay Liang, umabot sa kabuuang P2.4 milyon ang nailagak niya sa kumpanya ng mga akusado. Ngunit hindi ito natapos sa peso deposit dahil muli siyang nahikayat na maglagak ng US$50,000 kasama ang isang tseke na may halagang P500,000.

Pagkatapos nito, muli ring naglagak ng P2.135 milyon ang aktor sa bank account ng isa pang kumpanya,

Simula noon, muli siyang nakatanggap ng P120,000 na payout sa loob ng anim na buwan.

Noong Nobyembre at Disyembre 2023, tuluyan nang tumigil ang mga ipinapadalang interest sa aktor at hindi na muling nakipag-usap ang mga akusado sa kanya.

Nitong nakaraang Pebrero 20, nagsampa ng mga kaukulang kaso sa Taguig City Prosecutor’s Office ang actor-singer.

Noong nakaraang linggo, limang kawani ng PNP-HPG ang nagtungo sa Napolcom upang magsampa ng administrative cases laban sa kanilang dating opisyal.

Inakusahan ng lima ang kanilang opisyal na tumanggap ng halos P7 milyon na suhol para protektahan ang umano’y scammer at i-manipulate ang mga kasong isinampa sa kanya, ayon kay Calinisan.

Ang limang pulis ay nagsabi na sila ang umaresto sa akusado at isa pa dahil sa iligal na paggamit ng blinker sa Parañaque City. Nakuha rin sa loob ng sasakyan ng dalawa ang isang Glock 19 semi-automatic pistol, ilang piraso ng bala, bullet-proof vests at C4 plastic explosive.

Lumabas sa record check na may warrant of arrest ang umano’y scammer na naaresto rin sa mga kasong paggamit sa pangalan ng First Lady at usurpation of authority.

Inakusahan ang dalawa na humihingi ng P5 milyon sa isang may-ari ng emission testing center sa Pasay City kapalit ng hindi pagpapasarado ng kanyang negosyo.