Puno

Mga nagpondo sa mga ghost flood control projects nais paimbestigahan ni Puno sa Kamara

Mar Rodriguez Aug 28, 2025
216 Views

IMINUMUNGKAHI ni House Deputy Speaker at Antipolo City 1st District Representative Ronaldo “Ronnie” V. Puno na magsagawa ang Kamara de Representantes ang imbestigasyon laban sa mga taong nagpondo ng mga “ghost flood control projects”.

Ito ang nakapaloob sa House Resolution No. 201 na inihain ng House Deputy Speaker para magkaroon ng isang masusi at malalimang pagsisiyasat sa Mababang Kapulungan kaugnay sa mga “funders” at “sponsors” ng mga maanomalya at kaduda-dudang construction project ngayong taon na nakapaloob sa 2025 national budget.

Kabilang sa nais pasiyasat ni Puno ay ang papel ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagre-release at pag-withhold ng ahensiy sa pambansang pondo.

Nakapaloob din sa House Resolution No. 201 ni Puno ang tungkol sa isinagawang imbestigasyon ng Senado sa pamamagitan ng Senate Committee on Accountability of Public Officers (Blue Ribbon Committee) kung saan inihayag ang mga nangyaring iregularidad sa mga public works projects na pinondohan sa 2025 national budget.

Kasama dito, sabi pa ng kongresista ang mga ghost o pekeng proyekto at ang pakikipag-sabwatan umano ng mga kontratista.

Tinukoy din ni Puno ang privilege speech ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa sistematiko at organisadong pamamaraan para sa alokasyon ng pondo para sa mga flood control projects.