Frozen Source: FB post

Pinoy dedbol sa ‘Frozen’ ride sa Hong Kong Disneyland

291 Views

ISANG 53-anyos na turistang Pilipino ang binawian ng buhay matapos mawalan ng malay habang sakay ng Frozen Ever After ride sa Hong Kong Disneyland noong Biyernes ng umaga.

Batay sa ulat ng Hong Kong-based English-language newspaper na South China Morning Post, inulat ng Hong Kong Disneyland Resort na nangyari ang insidente bandang alas-10 ng umaga nang mapansin ng asawa ng biktima na nawalan ito ng malay habang nasa loob ng ride. Agad niya itong ipinaalam sa mga staff.

Mabilis na rumesponde ang mga cast member at nagsagawa ng CPR habang papalapit ang sinasakyan nilang bangka sa docking area. Isinugod ang biktima sa North Lantau Hospital ngunit idineklara itong patay bandang alas-11:30 ng umaga.

Kinumpirma ng awtoridad na may iniinda nang sakit ang biktima bago ang biyahe. Dagdag ng pamunuan ng Disneyland, walang nakitang problema sa kaligtasan ng ride.

Sa pahayag ng resort sinabi nitong, “The resort deeply regrets the passing of the guest and will do its utmost to provide necessary assistance to his family.”