Teodoro Marikina Rep. Marcy Teodoro

Marikina solon kinumpirma muling pagpopondo sa mga natapos ng flood control project sa 2026 NEP

442 Views

INULAN ng puna ang muling paglalaan ng pondo sa mga natapos ng flood control project at isang maayos na kalsada sa Marikina City sa 2026 National Expenditure Program (NEP).

Inihayag ni Marikina Rep. Marcy Teodoro ang mga iregularidad na ito sa isang konsultasyon kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa inihain nitong infrastructure program sa ilalim ng 2026 NEP na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara kamakailan.

“Meron ilang item doon na aking napansin at sinabi ko kay Secretary Manuel Bonoan na noong 2023 pa lamang ay may project na ginawa slope protection sa Balanti Creek sa Barangay Sto. Niño na tapos na pero nakita ko may item na nakasama doon sa under flood mitigation program na gagawin pa ulit,” ani Teodoro.

Kinumpirma lamang ni Teodoro ang naunang pahayag ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na may mga flood control project sa 2026 NEP na tapos na.

Dagdag ni Teodoro, hiningi niya sa DPWH na linawin ang paguulit, na nagmula umano sa mga listahan na inihanda ng ahensya at hindi mula sa kongresista.

Ayon sa kongresista, nagulat pa ang kalihim ng DPWH sa pagkakasama ng mga proyekto at tinawag ang regional director para humingi ng paliwanag.

“Nabigla rin siya. Tinawag niya ‘yung regional director ng DPWH sa NCR dahil ‘yung line item na ito ay ipatutupad ng Central Office at ng National Capital Region. It’s very general, vaguely identified with no specification given kaya sabi ko nga dapat i-clarify it, linawing mabuti,” ani Teodoro.

Binigyang-diin niya na dapat dumadaan sa tamang konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan ang mga proyekto at nakaayon sa mga integrated master plan.

Kung wala nito, babala niya, masasayang lang ang pondo para sa flood control dahil hindi magkakakonekta nang maayos ang mga drainage system papunta sa outfall areas tulad ng Marikina River.

“Ito ‘yung pinapanawagan nga natin sa DPWH, na dapat ‘yung mga proyekto ay kinokonsulta sa mga local government. Tinitingnan ‘yung Local Development Council programs at ‘yung Regional Development Council kung ayon ito sa isang master plan at hindi lang basta master plan, kung ‘yung master plan integrated,” paliwanag niya.

Ipinunto ni Teodoro na napalawak na ng Marikina ang kapasidad ng ilog nito sa pamamagitan ng dredging matapos ang Bagyong Ulysses, na nakabawas sa banta ng pagbaha.

Gayunman, iginiit niya na sa mga hindi kumpletong mga drainage project ay nagbabadyang mabalewala ang mga nasabing hakbang, tulad ng drainage system sa kahabaan ng Sumulong Highway na konektado sa Balanti Creek, na iniwang hindi natapos kahit may matinding pangangailangan laban sa pagbaha.

“Nakita ko doon sa NEP na sinubmit ng DPWH na halos wala pa sa kalahati ng 331 meters ang magagawa sa susunod na taon. So it will still be an unfinished project, missing na binudgetan para sa isang taon,” ani Teodoro, na ikinalungkot ang kakulangan ng pondo para matapos ang 361 meters na kailangan.

Bukod sa flood control, tinukoy din ng kongresista ang kuwestyunableng mga entry para sa pagkukumpuni ng kalsada, kung saan nakasaad sa DPWH ang rehabilitation para sa Malaya Street sa Barangay Malanday kahit maayos pa ang kalsada at kakagawa lamang ng drainage improvements ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“Isang halimbawa, rehabilitation of road along Malaya Street, Barangay Malanday, Marikina City. ‘Pag ininspeksyon mo ‘yung kalsadang ‘yun, maayos naman. Walang sira, walang lubak. Ang totoo, kagagawa nga lang ng drainage ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA),” ani Teodoro.

Babala niya na ang ganitong gawain ay magreresulta sa redundant budgeting at pag-aaksaya ng pondo ng bayan, dahil hindi nagkakaroon ng sapat na koordinasyon ang mga ahensya.

“Eh dapat may coordination silang dalawa na opisina… So pa’nong mangyayari, redundant ang budgeting, there’s a redundancy,” saad niya na tinutukoy ang DPWH at MMDA.

Giit pa ni Teodoro na kulang ang validation sa baba, dahil may ilang entry sa NEP na may generic na label lamang gaya ng “drainage outfall phase one” na walang natukoy na lokasyon.

Kinuwestiyon niya kung paano natukoy ang halaga nang walang feasibility studies, na aniya’y nagpapahina ng pananagutan.

“Walang validation on the ground. There should be validation on the ground. Isa pa, napapansin kong mukhang walang study talaga, feasibility study ang ginawa para mag-identify ka dito sa ating NEP,” aniya.

“Nakakahiya, mahiya na tayo talaga naman. ‘Pag nakita mo sila sa loob ng evacuation center, ‘pag nakita mo ‘yung mga batang maliliit na binaha ang mga tahanan…

Nakakahiya, malaking kasalanan ito para sa mga tao,” sabi pa ni Teodoro.