Calendar
Deputy Speaker Paolo Ortega V
Walang ghost, palpak na flood control projects sa Unang Distrito ng La Union
TINIYAK ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na walang ghost projects o substandard flood control works sa Unang Distrito ng La Union.
Ayon kay Ortega, bilang kinatawan ng unang distrito ng lalawigan ay mahigpit na binabantayan ng tanggapan nito ang mga itinatayong imprastraktura upang matiyak na ito ay maayos na naipatutupad at natapos ayon sa pamantayan.
Iginiit din ng mambabatas ang kahalagahan ng transparent at may pananagutan na paggamit ng pondo ng publiko sa kanyang distrito.
“Walang ghost projects sa distrito ko, sa La Union at pati buong rehiyon, walang palpak na flood control. Lahat ng proyekto makikita at nagagamit ng tao. Hindi gawa-gawa, kundi konkretong serbisyo,” ani Ortega.
Ipinaliwanag niya na nakikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan at mga lider ng barangay upang matiyak na nasusuri at nababantayan ang bawat proyekto sa lahat ng yugto ng pagpapatupad.
“Hindi lang DPWH ang nagbabantay. Kami mismo, kasama ang barangay at LGU officials, tumitingin kung maayos ang trabaho. Kapag may mali, agad inaaksyunan. Kaya imposible talagang makalusot ang substandard na proyekto sa amin,” dagdag pa ng kongresista.
Ito ang tugon ng kongresista kaugnay ng mga alegasyong may ilang mambabatas na nakikialam sa pagpili ng kontratista, na aniya ay walang basehang paratang at madalas ay pinalalala lang ng maling impormasyon.
“Hindi kami pumipili ng contractor. Ang role lang ng kongresista ay ilapit ang pangangailangan ng tao sa pamahalaan. Kung mapagbigyan, DPWH na ang magpapatupad.
Napakalinaw ng process,” paliwanag ni Ortega.
Pinuna rin niya ang mga alegasyong kumakalat sa social media na isinasangkot ang lahat ng mambabatas sa umano’y anomalya sa paggastos sa imprastruktura.
“Maraming paninira ang makikita natin sa social media, nilalahat ang lahat ng kongresista. Wala namang basehan lahat, walang ebidensya, puro intriga. Pati ang mga inosente nadadamay. Basta sa amin sa La Union, malinis ang record natin at walang anomalya sa proyekto sa distrito,” ani Ortega.
“Kung imbestigahan man, anytime. Wala kaming tinatago. Ang gusto lang natin ay makita ng tao na ang pondo ng bayan bumabalik talaga sa kanila,” dagdag pa ng mambabatas.
Para kay Ortega, ang pagpaplano ng imprastruktura ay dapat nakabatay sa tunay na pangangailangan ng mga komunidad upang maiwasan ang paulit-ulit na proyekto at pagwawaldas ng pondo ng bayan.
“Dapat may mas malakas na coordination sa national at local. Hindi puwedeng may budget sa kalsadang maayos pa o inuulit ang flood project na tapos na. Sayang ang pera, sayang ang oras,” giit niya.

