BBM

Ex-Bulacan District Engineer pumirma na tapos na mga proyekto ng hindi iniinspeksyon kaya nakasigil contractor

348 Views

TINUTUKAN ng House Infra-Comm ang isyu ng ghost at substandard flood control projects sa Bulacan, kung saan kinuwestiyon ng isang mambabatas ang dating district engineer na umamin na nag-isyu siya ng completion certificates ng hindi personal na na-inspeksyon ang mga proyekto.

Sentro ng pagtatanong ang certification process ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na tinukoy mismo ni Pangulong Marcos sa kanyang biglaang inspeksyon sa Bulacan.

Ayon sa DPWH Department Order No. 99, Series of 2015, kailangan personal na i-certify ng mga district engineer ang pagkumpleto ng mga proyekto, at nagiging opisyal na batayan ng pagbabayad sa mga kontraktor ang nasabing sertipikasyon.

Ngunit sa kanyang testimonya sa komite, inamin ng dating Bulacan 1st District Engineer na nag-isyu siya ng completion certificates kahit hindi lahat ng proyekto ay kanya mismong na-inspeksyon.

“Ni isa wala po kayong tiningnan?” tanong ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng Good Government and Public Accountability at co-chair ng Infra-Comm, sa pagdinig.

“Meron naman, Your Honor,” tugon ng ex-DE, sabay dagdag na umaasa siya sa kanyang team na magsagawa ng validation bago ang inspeksyon.

Ngunit iginiit ni Chua na ibig sabihin nito, hindi aktwal na nirepaso ng district engineer ang lahat ng proyekto sa aktwal na lugar.

“So hindi po ninyo tinitingnan lahat?” tanong niya.

“Your Honor, hindi po,”ang sagot.

Kalaunan, inamin niya na ang kanyang mga certification ay nakabatay lamang sa palagay na kumpleto at tama ang mga dokumentong isinumite sa kanya.

“Basta’t naniniwala kayo doon sa papel na binigay sa inyo na kumpleto, kaya mag-iissue na lang kayo?” tanong ni Chua.

Sagot ng engineer, “Yes, your Honor, there is a presumed regularity to the documents presented to me, your Honor.”

Para kay Chua, seryoso ang pag-amin na ito, at kanyang binigyang-diin na ang pirma ng isang district engineer ay hindi simpleng pormalidad kundi ang mahalagang trigger para sa paglabas ng pondo ng gobyerno.

“Hindi po ito maliit na bagay. Kasi once he certifies, magre-release na po ng pera. ‘Yung certificate po niya ang nagiging basis ng releasing ng pera,” diin ni Chua.

Tinukoy pa ng mambabatas ang pagbisita mismo ng Pangulo sa Bulacan, kung saan ininspeksyon ni Marcos ang river wall at flood mitigation projects at hayagang tinawag itong mga “ghost projects.”

Isa rito ang construction ng reinforced concrete river wall sa Barangay Piel, Baliuag, Bulacan, isang P55.7 milyon na kontrata sa pagitan ng DPWH Bulacan 1st Engineering District at SYMS Construction Trading.

Ipinakita sa mga dokumento sa pagdinig na pinirmahan ng ex-DE ang kontrata.

Ipinakita rin ni Chua ang mga opisyal na resibo na nagpapatunay na nabayaran na ng P43.4 milyon at P5.9 milyon ang SYMS. “Eh papano po nangyari yun, wala naman po ni isa, ghost nga po yun eh?,” tanong niya.

“There was a certification signed by the project engineer, the implementing section chief,” ani ng ex-DE.

“Pero hindi ba dapat tinitingnan nyo muna?” giit ni Chua.

“Your Honor, as I’ve told you, napakarami pong papel na dumadaan po sa akin every day at napakarami pong ginagawa. Sabi ko nga po sa inyo, ako naman po ay nag-iinspeksyon,” sabi ng engineer, ipinaliwanag na umaabot hanggang 500 proyekto ang sabay-sabay nasa ilalim ng kanyang opisina.

Lumipat naman si Chua sa isa pang high-profile case: ang River Protection Structure sa Bulusan, Calumpit, Bulacan, na nagkakahalaga ng P94.6 milyon at ipinatupad ng St. Timothy Construction Company.

Ang proyektong ito ay personal ding ininspeksyon ni Marcos, na napansin na tila nagkulang sa semento ang kontraktor. Muli, pinirmahan ng engineer ang kontrata.

Ipinakita rin ng komite ang isa pang kontratang pinirmahan ng engineer para sa flood mitigation structure sa Calumpit na nagkakahalaga ng P74.6 milyon, kung saan Wawao Builders naman ang kontraktor.

Tulad ng iba, ipinakita ng mga rekord na nabayaran na ang proyekto, ngunit nananatiling may mga tanong tungkol sa kalidad at pagkumpleto nito.