Chua Manila Rep. Joel Chua

Chua: Baha-scam mate-trace sa mga insertion noong DU30 admin

296 Views

ANG flood control scam na ngayo’y sentro ng mga usapin ay hindi basta-basta sumulpot, kundi ito’y may pinagmulan―ang mga kuwestiyonableng budget insertions noong administrasyong Duterte, ayon kay Manila Rep. Joel Chua.

Nagbabala siya na dahil hindi pinupuna ang mga ito nang matagal na panahon, lumaganap ang mga ghost project at imprastrukturang mababa ang kalidad sa buong bansa.

“Mainit na usapin nitong mga nakaraang linggo ang mga anomalya sa national infrastructure projects na ibinahagi mismo ng Pangulo at ng ilang opisyal ng gobyerno. Naglabasan ang mga pangalan ng mga contractor na paulit-ulit nabigyan ng flood control projects―mga proyektong kalaunan ay napatunayang ghost projects o kaya naman ay may mababang kalidad ng pagkakagawa, o di kaya’y mga contractor na undercapitalized ngunit nabigyan ng malalaking proyekto,” ani Chua, ang chair ng House committee on good government and public accountability at co-chair ng Infra-Comm, sa pagbubukas ng imbestigasyon.

Ayon kay Chua, hindi biglaan ang kontrobersiya kundi bunga ng matagal nang gawi ng budget insertions na lumaganap noong panahon ni Duterte, na nagbigay daan sa mga anomalya.

Ipinaalala niya sa mga kapuwa mambabatas na mula 2017 hanggang 2020, naglabas ang Commission on Audit (COA) ng mga ulat na nagpapakita ng libu-libong proyekto na naantala, may depekto o hindi naipatupad―na nagkakahalaga ng daan-daang bilyong piso.

“Noong 2017 pa lang, nagsimula nang maglabasan ang mga babala. Sunod-sunod ang mga ulat ng Commission on Audit (COA) mula 2017 hanggang 2020 na naglantad ng ilang libong proyektong delayed, depektibo, o tuluyang hindi naipatupad―na nagkakahalaga ng daan-daang bilyong piso,” sinabi ni Chua.

“Noong 2018, iniulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang pagkakasangkot ng ilang malalaking contractor sa mga flood control projects na na-delay o hindi natapos,” dagdag niya.

Pormal nang sinimulan ng Infra-Comm, na binubuo ng House committees on public accounts, good government and public accountability, at public works and highways, ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects at iba pang infrastructure programs.

Ayon kay Chua, hindi bago ang flood control scam. Maging ang Kongreso ay nakumpirma na ang pattern nito noong 2019.

“Noong 2019 naman, mismong House committee on appropriations ang nakatuklas na maraming flood control projects ang prone sa tinatawag na budget insertion―mga proyektong isinisingit sa pondo nang walang malinaw na konsultasyon o batayan. Ayon sa kanilang ulat, umabot sa bilyon-bilyong piso ang halaga ng mga proyektong isinisingit, na nagbukas ng malawak na puwang para sa katiwalian at maling paggamit ng kaban ng bayan,” ayon kay Chua.

Dagdag pa niya, pinatotohanan pa ito ng mismong dating pangulo.

“At noong 2020, mismong inamin ng dating pangulo (Duterte) na talamak ang mga ghost projects sa iba’t ibang rehiyon ng bansa,” sinabi ni Chua.

“Sa madaling salita, hindi bago ang problemang ito. Ito ay problemang namana, naipon at napabayaan―at ngayon, lumulutang na parang sugat na matagal nang hindi ginagamot,” giit niya.

Ipinaalala rin ni Chua na bahagi ng problema ay ang kapabayaan sa pagpapatupad ng mga proyekto.

“Nagkaroon ng kapabayaan o misfeasance sa pagpapatupad ng mga proyektong hindi dumaan sa konsultasyon, maayos na bidding process, o masusing pag-aaral―ito ang dahilan kung bakit may mga proyektong mababa ang kalidad at hindi kapaki-pakinabang sa mga mamamayan,” ani Chua.

“Nagkaroon din ng katiwalian o malfeasance sa pagtala ng mga ghost projects na hindi kailanman binuo ngunit patuloy na kumakain ng pondo,” dagdag niya.

Para kay Chua, mahalagang matukoy ng Infra-Comm kung saan mismo pumapasok ang mga anomalya sa sistema.

“Ang tanong, sa flood control lang ba ito?” aniya, na nagpapahiwatig na maaaring lumawak pa ang saklaw ng imbestigasyon.

Tiniyak ng mambabatas na ang layunin ng pagdinig ay hindi para magturuan kundi upang matukoy kung saan pumapasok ang katiwalian.

“Ngunit lilinawin natin, ang pag-imbita sa mga resource persons natin ngayon ay hindi para magturuan o magsiraan. Nandito tayo upang tukuyin kung saan nakakalusot ang katiwalian, paano ito nagiging posible, at sino ang nakikinabang,” ani Chua.

“Siguro po ay sasang-ayon ang lahat na uhaw tayo sa good governance sa kasalukuyang konteksto―dahil sa bawat pagdalaw ng bagyo ay lumulubog tayo,” dagdag pa ni Chua.

“Para po sa seguridad ng buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino, at para sa isang kinabukasang hindi na muling magmamana ng mga kapabayaan at katiwalian ng nakaraan,” giit ni Chua.