Calendar
District Engineer na sangkot sa ghost substandard projects sa Bulacan na-promote noong termino ni Villar
KINUMPIRMA ng district engineer na iniuugnay sa ghost at substandard flood control projects sa Bulacan na siya ay na-promote noong panahon ni dating Public Works and Highways Secretary at ngayon ay Sen. Mark Villar sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang pangangailangan na matukoy ang tinawag niyang “origin story” ng opisyal na ngayo’y iniimbestigahan, dahil kailangan ng komite na maunawaan kung kailan at paano nakuha ng nasabing engineer ang kanyang mahalagang posisyon.
“Sir, it was stated on record that you rose from the ranks. Nag-umpisa kayo job order until your current position. Tama ba?” tanong ni Ortega sa pagdinig ng Infra-Comm ngayong araw.
“Yes, sir,” tugon ng dating district engineer ng 1st District ng Bulacan na ngayo’y iniimbestigahan dahil sa mga proyektong sinasabing hindi umiiral o substandard.
Mas lalo pang nag-usisa si Ortega tungkol sa mga naunang assignment at career postings ng engineer upang makumpleto ang larawan kung paano siya nakaakyat sa burukrasya.
“San kayo nag-umpisang maging DE sir, saang lugar?” tanong niya.
“Sa Bulacan, Your Honor,” tugon ng engieer.
Bago ang kanyang assignment sa Bulacan, sinabi ng engineer na naglingkod siya sa Nueva Ecija, at nilinaw pa niya ang mga hakbang na nagdala sa kanya sa posisyon bilang district engineer.
“I was assistant district engineer in Nueva Ecija, I think,” aniya.
Tinukoy naman ni Ortega ang timeline upang matukoy ang eksaktong mga taon na namahala ang nasabing engineer sa public works ng Bulacan.
“Anong taon kayo nasa Bulacan, sir if you can still recall?” tanong ng mambabatas.
“2019, Your Honor,” tugon ng engineer, na kalaunan ay kinumpirmang nanatili ang kanyang assignment sa lalawigan hanggang Hunyo 16, 2025 bago siya nailipat.
Binigyang-diin ni Ortega ang kahalagahan ng petsang iyon, dahil natapat ang nasabing panunungkulan sa panahong bilyon-bilyong piso ang inilaan para sa imprastruktura.
“So you started in Bulacan during the previous administration under Secretary Mark Villar and under the previous administration, right?” tanong niya.
“Yes, Your Honor,” tugon ng engineer, na kinumpirma ring nakuha niya ang promosyon sa ilalim ni Villar bilang DPWH secretary at sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sumunod na nagtanong si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na nakatutok sa pananagutan ng nasabing engineer sa pagpirma ng mga proyekto na kalauna’y ibinunyag bilang ghost o substandard.
Tinukoy ni Abante kung ang pag-angat sa ranggo ng engineer ay sinabayan ng kultura ng kawalang pananagutan sa pagpirma ng mga dokumento nang walang aktuwal na inspeksyon.
“Teka, ikaw pa ang sabi dito you rose from the ranks di ba?” tanong ni Abante.
“Yes your Honor,” tugon ng engineer.
Nang tanungin kung kailan siya nagsimula sa departamento, sagot ng engineer: “1994 po your Honor,” na nagpapakitang dekada na ang kanyang serbisyo bago siya umabot sa kontrobersyal na posisyon bilang district engineer.
Muling nagtanong si Abante: “Kailan ka naging district engineer?” at sinagot ito ng: “2019 your Honor.”
“Sino ang nag-assign sayo to be a district engineer?” tanong pa ni Abante.
“The former Secretary Mark Villar your Honor,” ang sagot.
Inulit ni Abante ang pangalan ni Villar para bigyang-diin, at muling kinumpirma ng engineer: “Yes your Honor.”
Nang tanungin kung ibig bang sabihin nito na malapit siya kay Villar o basta’t siya ang tamang tao para sa posisyon, tugon ng engineer: “Nag-apply lang po ako, your Honor, that time.”
Dahil sa mga natuklasan ng Pangulo na may mga proyektong idineklarang completed kahit hindi pa nasimulan o hindi pa tapos, muling pinuwersa ni Abante ang engineer tungkol sa kanyang pananagutan.
“Kanina binanggit yung mga proyekto mo na hindi pa tapos. Ibig sabihin lahat ng mga proyektong sinabi ng ating Pangulo na hindi pa sinimulan pero nakalagay completed na. Hindi pa tapos pero nakalagay completed na. Kasalanan yan ng District Engineer. Tama ba ko o mali?”
“Yes your Honor,” pag-amin ng engineer, na kinilala ang kanyang papel sa pagpapatibay ng mga proyekto.
Idineklara naman ni Abante: “Yun pala naman eh. Dapat talaga kasuhan ka. Tama. Tama ba ko mali?” na sinang-ayunan muli ng engineer: “Yes your Honor.”
Mas maaga sa pagdinig, kinuwestiyon din ni Manila Rep. Joel Chua, co-chair ng panel, ang engineer tungkol sa kanyang gawi ng pagpirma sa certificates of completion nang hindi personal na nag-iinspeksyon ng mga proyekto.
Ibinunyag ni Chua ang mga kontrata at record ng bayad na kinasasangkutan ng mga kumpanyang gaya ng SYMS Construction Trading, St. Timothy Construction, at Wawao Builders na gumawa ng mga proyekto na ininspeksyon ni Pangulong Marcos at lumabas na ghost o substandard ang mga ito.

