Flood

Flood control scam naka-ugat sa kuwestyunableng insertions, depektibong budget process

244 Views

NAKA-UGAT ang isyu sa bilyon-bilyong pisong flood control projects sa depekto ng proseso ng pagba-budget at kuwestiyonableng insertions ng ilang ahensya, na nagdudulot ng duda sa tamang paggamit ng pondo ng bayan.

Ito ang sinabi ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo, chairman ng House Committee on Public Works and Highways at co-chair ng Infra-Comm, sa pagsisimula ng imbestigasyon nitong Martes sa pamamagitan ng pagbibigay-diin na ang problema ay hindi lang iilan kundi resulta ng sistematikong kakulangan na nagbigay-daan sa pag-usbong ng ghost projects at mababang kalidad ng mga imprastraktura.

“Bakit may mga ulat na ₱469 bilyon sa repeat funding para sa mga proyektong dapat ay tapos na o hindi na kailangan?” tanong ni Momo, na sinabing ang mga anomalya ay madalas nagsisimula sa paraan ng paglalagay ng mga item sa National Expenditure Program (NEP).

“Bakit may mga distrito tulad ng Marikina at Antipolo na hindi naisama ang mga tunay na pangangailangan, samantalang may ibang proyektong matagal nang nakatayo pero patuloy na pino-pondohan?” dagdag pa ng mambabatas.

Ipinaliwanag ni Momo na bagaman Kongreso ang nag-aapruba ng pondo sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA), ang NEP ay nagsisimula sa mga ahensya at dumadaan sa Department of Budget and Management (DBM) at Development Budget Coordination Committee (DBCC).

“Bagaman Kongreso ang naglalabas ng GAA ay hindi naman siya ang gumagastos ng pera. Nariyan din ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na nag-iimplement nito,” paliwanag ng kongresista.

Inisa-isa rin niya ang apat na yugto ng budget process—preparation, authorization, execution, at accountability—na bagaman idinisenyo para tiyakin ang transparency, ay nababalot umano ng maraming butas.

“Mahaba at masalimuot ang prosesong pinagdadaanan ng bawat piso bago ito makarating sa national budget na alam ng tao,” giit ni Momo.

Binigyang-diin niya na dapat natitiyak ng mga konsultasyon sa local at regional level na ang mga proyekto ay akma sa tunay na pangangailangan ng komunidad. Ngunit ang patuloy na pagpopondo sa mga natapos na proyekto at paglalaan ng pondo sa kahina-hinalang items ay nagpapakita ng tanong kung epektibo ba talaga ang pagsusuri.

Aniya, ito ay katunayan na ang mga kuwestiyonableng insertions ng ilang ahensya ang siyang nagbaluktot sa tunay na layunin ng budget process at nagresulta sa pag-aaksaya ng pondo.

“Ang sagot: maraming butas sa bawat yugto – mula NEP na hindi lantad, hanggang sa mga safeguards tulad ng performance bonds at retention funds na hindi ganap na naipapatupad,” ayon kay Momo.

Dagdag niya, bagaman dalawang budget cycle pa lamang—2024 at 2025 GAAs—ang pinangasiwaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang nagpapatuloy na problema sa flood control projects ay patunay na sistematiko ito at minana mula sa mga nakaraang administrasyon.

“The President has stepped up and called on all of us to fix a problem. We are up to the challenge. Susubukan po natin na ayusin ito, hindi bukas o sa makalawa ngunit ngayon na,” giit ni Momo.

Pinaliwanag pa niya na ang imbestigasyong inilunsad ng Infra-Comm ay hindi para magsisihan, kundi para matiyak ang tamang paggamit ng pondo at ang kaligtasan ng mga Pilipino sa mga lugar na laging binabaha.

“Ito po ay hindi lamang laban para sa maayos na paggasta, kundi laban para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino – laban sa baha, at laban sa katiwalian,” giit pa ni Momo.