Calendar
Hontiveros binusisi DPWH sa kakulangan ng koordinasyon sa LGU sa flood control projects
“ONLY 2 in 254 Quezon City projects approved by local government”
Mariing binatikos ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil umano sa paglabag nito sa patakaran ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga proyektong kontra-baha. Sa Quezon City, ipinunto ng senadora na dalawa lamang sa 254 flood control projects ang dumaan at inaprubahan ng lokal na pamahalaan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, hinarap niya ang mga opisyal ng DPWH at kinuwestiyon kung bakit hindi nasunod ang nakasaad sa Local Government Code at maging sa internal guidelines ng kanilang ahensiya.
“Can flood control projects really be made without coordination with the LGU? At kung kailangan naman ng coordination, eh bakit po maraming proyekto ang hindi nagko-coordinate sa mga LGUs?,” tanong ng senadora.
Sa kanyang presentasyon, isinaad ni Hontiveros na 16 lamang sa 254 proyekto ang nag-apply para sa kinakailangang certificate of coordination mula sa Quezon City government, at dalawa lamang ang naaprubahan. Binigyang-diin niya na ang pagkukulang na ito ay lumitaw ilang araw bago ang matinding pagbaha sa lungsod noong Agosto 30 dahil sa thunderstorm. Giit niya, ang kawalan ng tamang koordinasyon ay humihina sa oversight at nagbubukas ng pinto para sa iregularidad. Bilang halimbawa, tinukoy niya ang dalawang pumping stations na parehong nakaplano sa Barangay Moriblo at Santa Cruz na halos magkapareho ang halaga at iisa ang kontraktor.
Aminado si DPWH-NCR Director Gerard Opulencia na may mga proyekto silang isinagawa nang walang clearance mula sa Quezon City Hall.
“So kasalanan nito ng QC Gov?! Hindi! Iba yung sinasabi ni Mayor Joy (Belmonte) eh. 254 flood control projects, dalawa lang ang cino-ordinate sa Quezon City Hall. So how does DPWH-NCR explain that?” mariing tanong ni Hontiveros.
Samantala, ipinaliwanag ni DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral na ilang beses na nilang pinaalalahanan ang mga regional office na obligasyon ang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan bago magsagawa ng anumang imprastraktura, lalo na kung may kinalaman ito sa flood control. Sa huli, ipinabatid ng senadora na ipagpapatuloy niya ang pagsisiyasat sa isyung ito at iba pang kuwestiyonableng proyekto ng DPWH sa mga susunod na pagdinig ng Senado.

