Senado

Senado pinuna bilyon-bilyong kahina-hinalang proyektong baha; hiniling paglilinis ng 2026 badyet

416 Views

INILUNSAD ng Senate Committee on Finance ang isang malawakang imbestigasyon ukol sa umano’y mga iregularidad sa panukalang pambansang badyet para sa 2026, kung saan higit ₱50 bilyon na flood control projects na magkakapareho ang presyo ang pinaghihinalaang bahagi ng sistematikong pang-aabuso sa pondo ng bayan.

Ang pagdinig sa badyet, na orihinal na itinakda para sa briefing ng Development Budget Coordinating Council (DBCC), ay agad na naging mainit na pagsusuri sa mga isinumiteng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa National Expenditure Program (NEP).

Ilang senador, sa pangunguna ni Senador Erwin Tulfo, ang tumutok sa mga proyektong may parehong halaga—kabilang ang flood control allocations sa Antique at Iloilo, na parehong nagkakahalaga ng eksaktong ₱149,750,000.

“In engineering, you don’t get the same costs to the last peso on two different projects in two different provinces unless, of course, you are copy-pasting,” pahayag ni Tulfo. “This looks very suspicious.”

Ipinaliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na hindi tinitingnan ng DBM ang bawat infrastructure project cost at umaasa ito sa mga isinusumiteng datos ng ahensya. “Wala po kaming expertise to check,” aniya sa komite, habang binigyang-diin na ang DPWH, na may mga inhinyero at field network, ang responsable sa disenyo ng proyekto at beripikasyon ng gastos.

Ngunit hindi ito tinanggap ng buo ni Senador Win Gatchalian na iginiit na bigo ang DBM na ipatupad ang sarili nitong alituntunin. “Hindi niyo sinusundan yung sarili niyong budget memorandum,” ani Gatchalian, na tinukoy ang National Budget Memorandum No. 154 na nag-aatas ng feasibility studies at detalyadong engineering para sa lahat ng shovel-ready projects.

Ipinakita ni Gatchalian ang mga dokumento na nagpapakitang hindi lang inuulit ang ilang proyekto kundi hinahati pa ito sa magkakahiwalay na “phases” na may parehong halaga upang tila iwasan ang masusing pagsusuri. “Sinadya itong ilagay sa NEP. Very obvious naman ito. Di siya clerical error, sinasadya itong ganitong panloloko,” giit niya.

Itinampok din sa pagdinig ang palitan ng kuro-kuro nina Senador Gatchalian at Finance Secretary Ralph Recto, na muling humarap sa Senado bilang miyembro na ng Gabinete. Pinilit ni Gatchalian si Recto ukol sa integridad ng paggasta ng pondo. “Secretary Recto, how can we ask the people to pay more taxes when they see these kinds of ghost projects and repetitive flood control entries? Paano natin masasabing may integrity ang paggastos kung ganito ang nakikita sa NEP?,” tanong ni Gatchalian.

Mabilis ang tugon ni Recto: “That’s why we in the DOF always advocate for responsible spending. Sabi nga natin, ‘Good spending is the best way to encourage tax compliance.’ Kung may resibo sa binili, may resibo rin dapat ang gobyerno.”

Nag-follow up si Gatchalian, tinanong kung may nakikitang ganitong pattern ang Department of Finance habang binubuo ang badyet: “Do you review these figures at all? Hindi niyo ba nakikita itong mga pare-parehong halaga na dapat red flag na?”

Tugon ni Recto: “The DOF does not release money without the proper documentation, and we don’t determine project-level allocations. That’s DBM and DPWH,” aniya. “Our job is to raise the funds and make sure we don’t borrow unnecessarily.”

Binigyang-diin pa ni Recto na bagamat wala silang papel sa pagdodoble ng proyekto, matagal na nilang binabala ang pag-aaksaya ng pondo. “Kaya nga po, we strongly support the President’s directive to scrutinize the national budget. Walang ghost project dapat. Walang sayang na piso.”

Tinalakay din niya ang usapin ng pambansang utang, na umabot sa ₱12.8 trilyon nang manungkulan ang administrasyong Marcos Jr. noong 2022. Ipinaliwanag niyang 69% ng utang ay lokal, at marami sa interest payments ay “napupunta rin lang bilang dagdag na kita ng ating mga kababayan.” Para sa konteksto, inihambing ni Recto ang utang ng Pilipinas sa ibang bansa sa Asya: Japan na may ₱485.94 trilyon, India na may ₱116.84 trilyon, at Indonesia na may ₱31.37 trilyon. “We are in the middle of the pack,” aniya.

Ipinakita rin niya ang bigat ng utang sa mas personal na pananaw: “Kung ika-calculate mo ang utang ng bansa kada Pilipino, nasa humigit-kumulang ₱100,000 per capita. Pero ito ay ginagamit sa mga imprastraktura, serbisyo, at oportunidad para sa mas magandang kinabukasan.” Binigyang-diin niya na mas mabilis ang paglago ng ekonomiya kaysa sa pagtaas ng utang: “We project the economy to hit ₱42.6 trillion by 2030, while keeping our debt at ₱24.7 trillion or 58% of GDP, which is still within sustainable levels,” aniya.

Ipinakita rin sa pagdinig na ang mga proyektong nagkakahalaga ng mas mababa sa ₱150 milyon ay madalas idinisenyo upang makaiwas sa pagsusuri ng Regional Development Council (RDC)—isang bagay na parehong kinumpirma nina Gatchalian at Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan. “They’re gaming the system,” ani Gatchalian.

Nangako si Pangandaman ng mga reporma, kabilang ang mas mahigpit na beripikasyon at bagong IT system upang masuri agad ang mga panukalang proyekto. Ibinunyag rin niya na nakikipag-ugnayan na sila kay DPWH Secretary Vince Dizon upang imbestigahan ang mga pinunang proyekto at maghanda ng opisyal na errata.

Gayunman, lumitaw ang mga tanong ukol sa konstitusyonalidad ng pag-amyenda ng NEP. Ipinunto ni Senador Imee Marcos na ang errata ay dapat aprubahan ng Pangulo, batay sa pahayag nito kamakailan: “I want the NEP intact.” “Logic dictates that the President is the only one who can change the budget that he submitted,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag naman ng mga opisyal ng DBM na karaniwan nang nanggagaling ang errata sa mga ahensyang kumakatawan sa Pangulo, at hindi sa Pangulo mismo. Nangako si Pangandaman na itataas niya ang usapin sa Malacañang.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga senador sa pagkakahiwalay ng badyet sa Philippine Development Plan (PDP). Inamin ni Balisacan na ang ilang pangunahing prayoridad gaya ng edukasyon at kalusugan ay nabawasan ng pondo sa 2025 budget. Nanawagan siya ng mas malapit na koordinasyon upang maiwasan ang “distortion of priorities.”

Nagaganap ang kontrobersiya sa gitna ng panawagan para sa transparency at paglaban sa political interference. Kinuwestiyon ni Senador Tulfo kung ang hindi pantay na flood control allocations—tulad ng ₱3.5 bilyon para sa Nueva Ecija, ₱2.7 bilyon para sa Kalinga, at ₱2.2 bilyon para sa Apayao—ay may halong pulitikal na impluwensiya. “Are we protecting communities or political interests?” tanong niya.

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros ng mas aktibong partisipasyon ng civil society sa mga susunod na pagdinig ng badyet, at iginiit ang buong transparency ng paggalaw ng pondo mula NEP hanggang GAA. “Every step of the budget process can stand improvement,” aniya.

Samantala, hinimok ni Senador Bam Aquino ang Senado na ibalik ang buong DPWH budget sa Ehekutibo para sa rebisyon. “Let’s not accept this budget. Let them clean it up first. Come back to us with a real flood control budget.”

Habang naghahanda ang komite para sa susunod na round ng deliberasyon, iginiit ng mga pinuno ng Senado ang kahalagahan ng muling pagbawi ng tiwala ng publiko sa proseso ng badyet. “Let’s ensure this is a budget as honest and hardworking as the Filipino taxpayers who fund it,” ani Gatchalian.