Senate

Pinadalhan ng Senado ng subpoena ukol sa baha padami ng padami

209 Views

KARAGDAGAN indibidwal ang pinadalhan pa ng subpoena para sa nalalapit na pampublikong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Setyembre 8, na naglalayong imbestigahan ang mga umano’y iregularidad sa mga flood control project sa buong bansa.

Inaprubahan ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang pagpapalabas ng subpoena sa limang contractor at tatlong opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mapilitan silang dumalo sa naturang pagdinig.

Ang desisyon ay isinagawa kasunod ng rekomendasyon ni Senador Rodante Marcoleta, tagapangulo ng Senate Blue Ribbon Committee.

Kabilang sa mga pinatawag sina Darcy Kimel D.J. Respicio, general manager ng Darcy & Anna Builders and Trading; Sally N. Santos, may-ari at manager ng SYMS Construction Trading; Pacifico F. Discaya II, authorized managing officer ng Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation; Maritoni P. Melegrito, authorized managing officer ng Elite General Contractor and Development Corporation; at Edgardo Saggum, may-ari at manager ng Eddmari Construction and Trading.

Mula naman sa DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, pinadalhan din ng subpoena sina Engineer Jaypee D. Mendoza, hepe ng construction division; Engineer Brice Ericson D. Hernandez, dating assistant district engineer; at Engineer Juanito C. Mendoza, accountant III.

Bukod dito, inaprubahan din ng liderato ng Senado ang pagpapalabas ng isang subpoena duces tecum na naka-address kay Commission on Audit (COA) Chairman Gamaliel Cordoba.

Inatasan siya na magsumite ng mga pangunahing natuklasan mula sa fraud audit na isinagawa ng ahensya sa mga flood control project ng DPWH, pati na rin ng mga kopya ng tugon mula sa mga nasasangkot.

Sinimulan ng Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon nito noong nakaraang Lunes, kung saan tinukoy ang ilang proyekto ng flood control na substandard o hindi talaga naisakatuparan. Ang mga ito ang itinuturong sanhi ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit-lalawigan, partikular na sa Bulacan.

Iginiit ni Senate President Escudero, “No stone should be left unturned in the inquiry into these highly questionable flood control projects that cost taxpayers in billions of pesos and caused nightmares and sufferings for many Filipinos.”

Dagdag pa niya, “Let the axe fall on all the personalities found guilty of scheming, conniving and carrying out fraudulent acts in the guise of legitimate taxpayer-funded flood control projects.”