Abante2

Imbestigasyon sa tangkang P8B insertion sa 2026 budget na pambili ng baril sisilipin sa susunod na linggo

293 Views

SISIMULAN ng Kamara ang pagbusisi sa napaulat na 8-bilyong firearms insertion sa 2026 national budget sa susunod na linggo, ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante.

“I think this was sent out today (Thursday) na merong letter as member of the Committee on Public Order and Safety si Cong. [Benny] Abante addressed to Cong. Roland Valeriano na magkaroon ng sariling investigation ang committee regarding dun, if I can read it, to initiate a formal investigation on the attempted insertion of P8 billion in the PNP budget for 2026 for the purchase of guns and ammunitions in violation of the Procurement Law and RA No. 6975 as amended by RA No. 8551,” ani Abante.

Ang pormal na naging mitsa ng pagsisiyasat ay ang liham na inihain ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na miyembro rin ng House Committee on Public Order and Safety, kung saan pormal niyang hinimok ang chairman ng komite na si Manila Rep. Rolando Valeriano na magpatawag ng imbestigasyon sa kontrobersyal na panukala.

Ayon sa mga lider ng partido, ang isyu ay may kinalaman sa kahilingan para sa pagbili ng P8 bilyong halaga ng armas na diumano’y isinulong sa labas ng normal na proseso ng badyet.

Ipinaliwanag ni Abante na kinilala na ni Valeriano ang nasabing kahilingan, at kinumpirma nitong kikilos ang kanyang komite ukol sa usapin, kasabay ng pahayag ni Valeriano sa publiko na agad siyang magpupulong para sa imbestigasyon.

“Binanggit din ito ni Congressman Valeriano kahapon na as Chairman, that he will initiate an investigation. So, binanggit niya rin kahapon na we can expect na baka by next week magsisimula ‘yung kanyang investigation. So we will have to wait kung ‘yung pagsimula ng committee to investigate this matter,” dagdag ni Abante.

Malaki na ang naging atensyon sa kontrobersya, hindi lang dahil sa napakalaking halagang sangkot, kundi dahil din sa mga personalidad na sinasabing konektado sa tinangkang budget request.

Umiikot ang mga ulat na may kinalaman ang anak ng isang mataas na opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagsusulong ng panukala, na lalo pang nagbukas ng mga tanong ukol sa propriety at conflict of interest.

Nang tanungin kung ano ang layunin ng liham ni Abante kay Valeriano, binigyang-diin ng tagapagsalita ng Kamara na nilalayon nitong ilatag ang pinakamahalagang mga tanong na dapat tugunan ng imbestigasyon, at idinagdag na mahalaga ang resolusyon sa mga ito para matukoy ang pananagutan at legalidad.

“So ang questions doon sa letter is why is a budget insertion request being facilitated by the son of an undersecretary of the agency that would approve such request. What specific law or rule did PNP Chief Torre violate that led to his relief or removal? Also, the amount requested for the intended purchase of guns is quite staggering. P8 billion for 80,000 units is P100,000 per year. What is now the status of the request-budget insertions? These are the questions in the letter,” ayon kay Abante.

Binigyang-diin ng tagapagsalita na nais ng Kamara ng malinaw at diretsong mga sagot sa mga puntong ito upang matukoy kung may mga batas na nilabag at para malaman ang implikasyon nito sa integridad ng proseso ng pagbadyet.