Calendar
Justice committee sinimulan pagrepaso sa extradition law; DFA wala natanggap na extradition request kay Quiboloy
INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagdinig ng House Justice committee na wala pa itong natatanggap na request mula sa Estados Unidos para sa extradition ni Apollo Quiboloy na nahaharap doon sa mga kasong kriminal.
“As of today, September 3, 2025, the Department of Foreign Affairs has not received any request from the government of the United States of America for the extradition of Mr. Apollo Quiboloy,” ani DFA Assistant Secretary Raquel Solano mula sa Office of American Affairs na humarap sa pagdinig ng komite.
Nilinaw naman ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chairperson ng komite, na hindi nakabatay sa kaso ni Quiboloy ang pagrepaso sa Extradition law at paggawa ng kinakailangang amyenda upang maging mas malinaw at angkop ito sa kasalukuyan.
“Whether or not a request has been actually received by the DFA with respect to the extradition of Mr. Quiboloy, the Committee on Justice shall proceed with its more appropriate inquiry in aid of legislation to respond to its legislative mandate,” wika ni Luistro.
Dagdag pa niya, may ilang kasapi na ang nakapansin ng mga kakulangan at hindi malinaw na probisyon sa kasalukuyang extradition laws at maging sa 1994 Philippines-U.S. Extradition Treaty.
Isinasagawa ng komite ang isang motu proprio inquiry sa Presidential Decree No. 1069, o ang Philippine Extradition Law of 1977, na nananatiling halos hindi nagbabago sa loob ng mahigit apat na dekada.
Ayon sa mga mambabatas, layunin ng pagsusuri na i-modernisa ang framework ng batas sa gitna ng lumalalang cross-border crimes at mga high-profile na international cases.
Sa mga naunang pagdinig, nagpahayag ng pangamba ang ilang miyembro ng komite na maaaring maging sagabal ang mga luma at hindi malinaw na probisyon sa kakayahan ng bansa na makipagtulungan sa mga kaalyado, tuparin ang mga treaty obligations, at sabay na pangalagaan ang karapatan ng mga taong humaharap sa extradition proceedings.
Si Quiboloy, na tinaguriang “Appointed Son of God” at matagal nang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay nahaharap sa maraming kaso sa Estados Unidos kabilang ang sex trafficking, bulk cash smuggling at immigration fraud.
Inaakusahan siya ng mga federal prosecutors ng U.S. at kanyang mga kasamahan ng pagsasamantala sa mga miyembro ng simbahan, kabilang ang mga menor de edad, sa mahabang taon ng iligal na operasyon.
Sa Pilipinas, nahaharap din siya sa mga kasong human trafficking at child abuse na isinampa ng mga dati niyang tagasunod. Ang kanyang mga kaso ay umani ng pandaigdigang atensyon at gayundin sa mekanismo ng extradition sa pagitan ng Maynila at Washington.
Bagama’t kinumpirma ng DFA na wala pang pormal na extradition request na natatanggap mula sa U.S., sinabi ng mga mambabatas na hindi nito maisasantabi ang kagyat na pangangailangan na amyendahan ang batas.
“The issue with respect to [Quiboloy] is just incidental. The objective of the Committee on Justice is to respond to our legislative mandate, and that is why the committee decided to conduct the instant inquiry in aid of legislation,” giit ni Luistro.

