Calendar
DS Garin kinuwestiyon P1-B beautification funds ng DOH sa 2026 budget
KINUWESTYON ni Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang paglalaan ng halos P1 bilyon ng Department of Health (DOH) sa panukalang 2026 national budget para sa pagpapaganda ng mga opisina nito sa halip na gastusin sa mga pangangailangan ng mga pampublikong ospital at rural health units (RHU).
Sa isang press conference kasama ang iba pang lider ng partido sa Kamara, iginiit ni Garin na ang ganitong maling alokasyon ay taliwas sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang mga serbisyong pangunahing kailangan ng mamamayan.
Binigyang-diin ng dating kalihim ng DOH na ipinapakita ng natuklasang ito kung paanong ang mga mali at kuwestiyonableng probisyon sa badyet ay nagsasayang lamang ng oras ng Kongreso at naglalagay sa alanganin sa programang “zero balance billing” sa mga pampublikong ospital.
“Ang gusto ng Presidente, zero balance billing. Ang hinaing naman ng mga hospital, dagdagan ‘yung kanilang pondo kasi lumaki ang kailangan ng mga pasyente. Pero teka, paano nakalusot sa DBM na tila meron approximately isang bilyon na… instead na pondo para sa mga hospital at mga RHUs ay nilagay ng DOH pampaganda ng kanilang mga opisina?” ayon kay Garin.
Dagdag pa ng lady solon, ang mga kuwestiyonableng entry ay nagiging sagabal sa mga prayoridad ng Pangulo at ibinabato ang sisi sa Kongreso.
“In other words, napagbibintangan ang Kongreso sa mga kapalpakan na nangyayari sa budget,” giit ni Garin.
“Pero balikan lang natin, ‘yung mga ghost project, ‘yung mga substandard projects na nakita eh lumalabas wala pa sa Kongreso ang nakaraang mga budget, ando-doon na ‘yun sa listahan. So paano natin lilinisin kung ikinalat ang dapat na linisin?,” ayon pa sa mambabatas.
Binanggit din ni Garin na napipilitan ang mga mambabatas na doblehin ang kanilang trabaho dahil sa mga kuwestiyonableng entry.
“Actually, ang pinakamalaking problema ngayon, nagdodoble ang trabaho ng Kongreso kasi hinahanap mo ‘yung mga basurang naipasok sa budget. Eh kung sana maituro na ito ng DBM, mas magiging mabilis ang trabaho ng lahat,” pahayag pa ng mga mambabatas ng Iloilo.
Pinuna rin niya ang umano’y kakulangan ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagsusuri ng mga isinumiteng panukala ng ahensya bago ito isumite sa Kongreso.
“Kagaya ng DPWH, pinasa daw sa DBM, ang DBM dinaanan lang, hindi na nila tsinek. If that is the case, it’s very troubling. Kasi paano kung meron kaming hindi nakita? Siyempre ang dagok nito kay Pangulong Bongbong Marcos,” diin ni Garin.
Sa parehong press conference, sinabi ng mga lider ng partido sa Kamara na inirekomenda nila kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na isoli sa DBM ang P6.793-trilyong panukalang 2026 budget dahil sa maraming pagkakamali at kuwestiyonableng alokasyon.

