Abante1

Kamara tiwala na maipapasa panukalang 2026 nat’l budget bago matapos ang taon

355 Views

BUO ang kumpiyansa ng Kamara de Representantes na maipapasa nito ang panukalang 2026 national budget bago matapos ang taon kahit pa ipinarerepaso ito sa Department of Budget and Management (DBM) upang maayos ang mga kuwestyunableng alokasyon ng badyet.

“Kaya nga tuloy-tuloy pa rin ang budget deliberations para ‘dun sa mga items na wala namang problema ay ma-tackle na siya. Hindi natin alam kung gano’ng kabilis ‘yung magiging review ng DBM doon sa mga budget na may nakitang may mga observations sa mga members,” ani House spokesperson Atty. Princess Abante.

Nilinaw din ni Abante na ang sinabi ng mga lider ng iba’t ibang partido politikal na isoli ang 2026 National Expenditure Program sa DBM ay hindi nangangahulugan na pisikal na ibabalik ang mga libro.

“Pero it appears that the committee is still confident that they can still meet the timeline na tinitignan ng House para ma-approve ang GAB,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin pa ng tagapagsalita ng Kamara na nagpapatuloy ang briefing ng Appropriations committee sa kabila ng kontrobersiya sa NEP, na magpapakita na determinado ang mga miyembro na masusing tugunan ang mga isyu.

Ipinunto rin ni Abante na mismong ang mga lider ng partido ay nagpahayah ma handa silang magtrabaho nang lampas sa regular na oras kung kinakailangan upang matiyak na maipapasa ang pambansang budget sa itinakdang panahon ng liderato.

“Nakita naman natin kung gano’ng kabilis din ‘yung developments doon sa pag-express ng sentiments ng party leaders, doon sa pag-finding ways where we can address the issues ng mga party leaders. So we’re still gonna wait kung ano pa ‘yung mga magiging susunod na hakbang,” paliwanag ni Abante.

“But tuloy-tuloy ang trabaho ng committee on appropriations to ensure na matatapos at matatapos natin ito doon sa time na in-identify nila. And again, kung magkaroon man ng adjustments, nagsabi din ang ibang party leaders that they’re willing to work overtime for this,” pagpapatuloy niya.

Nilinaw din niya na ang usapin ng pagbabalik ng NEP sa DBM ay hindi tungkol sa literal na pagbabalik ng mga dokumento, kundi sa pagtiyak na maaayos ang mga pagkakamali bago ito aksyunan ng Kamara.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang paglilinaw na ito upang maunawaan ang proseso at mapangalagaan ang integridad ng Kongreso sa pagtupad ng mandato nitong repasuhin ang budget.

“Again, ‘yung solian ng NEP ay hindi nga ito ‘yung physical na pagbalik ‘di katulad ‘yung remand na ginawa dati sa impeachment na talagang dinala yung documents. Hindi naman ganyan ang gagawin pero clear ang sentiments ng party leaders: There’s a need to review, to correct what they used, ‘yung massive mangling of the budget proposal. Kailangan siya i-correct. So ‘yun yung gustong iparating din ng party leaders,” ani Abante.

Giir pa ng tagapagsalita na nais ng mga mambabatas na panagutan ng DBM ang integridad ng NEP, na kinuwestiyon dahil sa mga kuwestiyonableng entries at magkakaparehas na programa.

Aniya, hindi matutupad ng Kamara ang tungkulin nitong maipasa ang isang maayos at makatotohanang national budget hangga’t ang panukala mismo ay hindi muna nalilinis sa mga mali.

“Gusto namin i-review at ipasa ang tamang budget. Paano namin ‘yan ipapasa kung ang mali ay galing sa source? So ayusin na muna, itama muna para pagdating sa Kongreso mapasa namin at ma-review namin at mapasa namin ng maayos yung budget na talagang maa-address ang concerns ng mamamayang Pilipino,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Abante na nagkakaisa ang mga lider ng partido na hindi dapat muling masisi ang Kamara sa tinatawag na congressional insertions, lalo na sa harap ng matinding pagsusuri ng publiko.

“For the sentiments of the members of Congress, nakita natin ‘yan doon sa mga nasabi ng party leaders kahapon eh. Sila ang representatives nung iba’t-ibang members according to the parties. At nakita natin na gusto din ng mga House members na masiguro na tama yung nalalabas na budget,” ani Abante.

Ipinaliwanag niya na bagama’t karaniwan ang errata sa panahon ng budget deliberations, ang dami ng kinakailangang pagwawasto ngayon ay nagbunsod ng pangamba, kaya’t ipinahayag ng mga miyembro na hindi ito galing sa Kamara.

Sa halip, nais nilang ang DBM at ang mga kaukulang ahensya ang mag-ayos ng mga pagkakamali upang maging malinis ang proseso ng budget.

“At para masiguro na magawa nila ang kanilang tungkulin ayon sa Knstitusyon, magampanan nila ang kanilang trabaho bilang panawagan sa direktiba din ng ating Pangulo. Mas gugustuhin nila na itama muna ito ng DBM para mas magiging maayos at masinsin ang pag-apruba ng Kamara sa magiging budget ng ating bansa sa 2026,” sabi ni Abante.

“We have to remember si Presidente na mismo ang nagsabi na may mga observations din siya na nakita doon sa budget at itong sentiments ng party leaders ay consistent din ‘dun sa direktiba ni Presidente na siguraduhin na ang budget na ilalabas ng Kamara ay transparent at tutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan,” aniya pa.

“This is not a simple matter for the House, this is a serious task. This is mandate given to the House of Representatives by the Constitution to review, to approve the budget of the government kaya siniseryoso ng Kamara ang kanilang tungkulin,” diin ni Abante.

Binigyang-diin niya na patuloy na kinokomsulta ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga lider ng partido upang magbigay ng direksyon sa usapin, at mananatiling nakatutok ang Kamara sa kanilang mandato sa ilalom ng Salifang Batas sa kabila ng ingay sa politika.

Kinumpirma rin ni Abante na magpapatuloy ang trabaho ng komite nang walang patid ayon sa iskedyul, kabilang ang budget deliberations para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Well according to the Committee on Appropriations, tuloy-tuloy yung mga budget deliberations as scheduled. So, we expect na matutuloy ang budget deliberations ng DPWH tomorrow,” saad pa ni Abante.