Abante

Chair Abante: Imbestigahan P8-B tangkang insertion sa 2026 budget pambili ng baril

231 Views

HINILING ni House Committee on Human Rights chair at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa House Committee on Public Order and Safety na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa tinawag niyang “attempted insertion” ng P8 bilyon sa panukalang 2026 national budget para sa pagbili ng mga baril.

Sa isang liham na may petsang Setyembre 3 na ipinadala kay Manila Rep. Rolando Valeriano, chair ng House Committee on Public Order and Safety, sinabi ni Abante na dapat itong suriin nang mabuti dahil sa laki ng halagang sangkot at sa posibleng paglabag nito sa umiiral na mga batas.

“I write to formally request for the House Committee on Public Order and Safety to initiate a formal investigation on the attempted insertion of P8 Billion Pesos in the PNP Budget for 2026 for the purchase of guns and ammunitions in violation of the procurement law, and RA No. 6975, as amended by RA No. 8551,” ani Abante sa sulat.

Binigyang-diin ni Abante ang mga ulat na kumakalat online na tumutukoy sa isang liham umano mula sa Philippine National Police na ipinadala kay Interior Secretary Jonvic Remulla, na humihiling ng pagsama ng P8 bilyon sa 2026 budget na pambili ng 80,000 units ngcaliber 5.56 mm basic assault rifles.

Aniya, kalakip ng kanyang kahilingan ang kopya ng naturang liham bilang annex.

Ayon kay Abante, lumabas sa social media na nagdala si Adrian Sanares, anak ng retiradong heneral at kasalukuyang DILG undersecretary for peace and order na si Nestor Sanares, ng dokumento kay dating PNP Chief Nicolas Torre III upang papirmahan.

Ang dokumento ay naglalayon umanong palabasin na ang PNP ang nagre-request ng naturang pondo.

Ang hindi umano pagpirma ni Torre ang isa sa mga dahilan kung bakit hinanapan ito ng butas upang matanggal sa puwesto.

Iginiit ni Abante na dapat siyasatin ang mga alegasyong ito, kasabay ng kanyang pagtatanong tungkol sa pagiging tama ng proseso at pananagutan ng mga sangkot na indibidwal.

“Why is a budget insertion request being facilitated by the son of an undersecretary of the agency that would approve such a request?” aniya sa liham.

Hiniling din niya ang paglilinaw kung lumabag ba si Torre sa anumang batas o regulasyong maaaring magbigay-katwiran sa kanyang pagkaka-relieve sa puwesto.

“What specific law or rule did PNP Chief Torre violate that led to his relief/removal?” isinulat ni Abante.

Binigyang-diin din ng mambabatas mula Maynila ang laki ng sukat ng naturang pagbili ng armas, na ang P8 bilyon para sa 80,000 units ay katumbas ng P100,000 bawat isa.

“Also, the amount requested for the intended purchase of guns is quite staggering. Php8 billion for 80,000 units is Php100,000 per unit. What is now the status of this requested budget insertion?” tanong ni Abante.

Sinabi ni Abante na mahalagang masagot ang lahat ng tanong sa isang pormal na imbestigasyon upang maiwasan ang pagkawala ng tiwala ng publiko sa budget process.

“These questions call for answers. The public has the right to know,” aniya.

Sa isang press conference kamakailan, binanggit na ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na hindi nakita ng mga mambabatas ang umano’y alokasyon sa alinman sa 2025 o 2026 budget books, na nagpapahiwatig na maaaring nasa yugto pa lamang ito ng pagpaplano.

Sinabi ni Puno na hindi papayagan ng Kongreso na palampasin ang usapin nang hindi sinusuri, at binigyang-diin na hindi maaaring hindi busisiin ang ganito kalaking halaga.