Calendar
BI nagmamanman sa 26 pang tao
SINABI ng Bureau of Immigration (BI) na 26 tao pa ang isinailalim sa pagmamanman nila matapos ipalabas ng Department of Justice (DOJ) ang bagong direktiba.
Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na natanggap ng ahensya ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) noong Setyembre 4, na nilagdaan ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.
Inaatasan ang mga immigration officer na subaybayan ang mga biyahe ng mga nasabing indibidwal at agad na iulat ang anumang tangkang pag-alis sa bansa.
Ang kahilingan para sa ILBO nagmula kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, na sa kanyang liham noong Setyembre 3 ay tinukoy ang mga indibidwal bilang mga opisyal ng DPWH at mga pribadong kontratista na umano’y sangkot sa mga ghost project at substandard na konstruksyon.
Binigyang-diin ng DPWH ang pangangailangang agad na iulat sa ahensya at sa mga kinauukulang otoridad kung sakaling tangkain ng mga ito na tumakas.
“Ito na ang ikalawang batch ng mga personalidad na isinailalim sa immigration lookout kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood control projects,” ani Viado.
Bagama’t nilinaw ni Viado na ang ILBO ay mekanismo lamang ng pagmamanman at hindi pagbabawal sa pag-alis, inatasan ang mga immigration officer na makipag-ugnayan sa mga kaugnay na ahensya upang alamin kung may iba pang legal na kautusan laban sa mga nasabing indibidwal.

