Sotto

Sotto binatikos CSC

246 Views

BINATIKOS ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang Civil Service Commission (CSC) dahil sa umano’y maling interpretasyon nito kaugnay ng pagsusugal ng mga kawani ng gobyerno.

Sa privilege speech niya nitong Miyerkules, mariing pinuna ni Sotto ang naging pahayag ni CSC Chairperson Atty. Marilyn Barua-Yap sa pagdinig ng House Appropriations Committee, kung saan sinabi nitong “there is no law preventing government officials and employees from engaging in online or land-based gambling in casinos outside office hours.”

“I was actually disgusted. No, scunnered would be a better word,” ani Sotto.

Kaugnay ito ng ulat mula sa Senate Blue Ribbon Committee na ilang district engineers ang namataang madalas sa mga casino. “Hindi pala bawal ‘yung ginagawa ng mga district engineers?” tanong ng senador.

Bilang tugon, binigyang-diin ni Sotto ang umiiral na Presidential Decree No. 1869, na nagbabawal sa mga kawani ng gobyerno sa pagsusugal.

Tinukoy niya ang Section 14 ng batas na malinaw ang sinasabi: “government officials connected directly with the operation of the government or any of its agencies” ay hindi pinapayagang magsugal sa mga pasugalan.

“Wala nang lilinaw pa roon. Kahit mahina ka sa Ingles, maiintindihan mo ’yan,” aniya.

Dagdag pa niya, saklaw din ng pagbabawal ang mga miyembro ng Armed Forces, mga estudyante, at mga menor de edad.

Isinaad din ni Sotto ang nilalaman ng RA 6713, na nagsasaad ng simpleng pamumuhay, integridad, at pananagutan ng mga lingkod-bayan. “Ibig sabihin, ‘di ka magpapatalo ng million-million sa casino,” giit niya.

Tinukoy rin niya ang Memorandum Circular No. 8 ng 2001 sa ilalim ng administrasyong Arroyo, at ang kautusan noong 2016 sa ilalim ng administrasyong Duterte. Parehong nagbabawal kahit sa “mere entry or presence” ng mga opisyal sa mga casino, aniya.

Hindi rin nakaligtas sa batikos ang PAGCOR. “Dapat panagutin din ang mga casino na tumatanggap dito. Dahil bawal din na hindi nila dapat pinapayagan,” dagdag ni Sotto.

Bilang pagtatapos, iginiit ni Sotto: “We should always be careful in our pronouncements.” Nanawagan din siya sa Commission on Appointments na maging mas maingat sa pagkumpirma ng mga opisyal: “Mukhang hindi nagbabasa muna ng mga dapat nilang trabaho bago tayo nagsisilbi sa gobyerno.”

Inendorso ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang privilege speech at agad na inirekomenda itong i-refer sa Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization, and Professional Regulation. Aprubado ang mosyon, walang tumutol.