Discaya

Kumpanya ng mga Discaya patuloy na nabalot ng tensyon

Arlene Rivera Sep 5, 2025
361 Views

TENSYON nagpatuloy sa labas ng St. Gerard Construction Building sa Lungsod ng Pasig, pagmamay-ari ng pamilyang Discaya, habang nagsagawa ng kilos-protesta ang mga grupong makakaliwa nitong Biyernes.

Humihiling ang mga nagpoprotesta ng isang “exorcism” o pagtaboy sa mga multo ng katiwalian sa pambansang badyet, at pananagutan ng mga kumpanyang sangkot umano sa mga kaduda-dudang proyekto sa flood control.

Kabilang sa mga grupo ang mga kasapi ng Akbayan Party, Youth Against Kurakot (YaK!), at iba pang kaalyadong organisasyon. May ilang nagprotesta na nakasuot ng puting tela sa ulo at katawan na may mga litrato nina Sarah at Curlee Discaya, pati na rin kay Mark Allan Arevalo ng Wawao Builders—na para bang mga multo.

May mga plakard na may nakasulat na:

“Parusahan ang lahat ng magnanakaw!”

“Mga kurakot ‘yan?? Minumulto na kayo ng ghost flood control projects ninyo!”

Ayon kay Khylla Meneses, Kalihim-Heneral ng Akbayan Youth at Co-Convenor ng Youth Against Kurakot:

“Napakaraming ghost projects ang patuloy na gumagambala sa atin. Kaya kailangang kilalanin at panagutin ang mga tunay na tiwali, gaya ng mga Discaya, na lantaran nang ninanakawan ang kinabukasan ng kabataan. Kailangang i-exorcise o palayasin na natin ang katiwalian sa pamahalaan.”

Binigyang-diin din niya na patuloy silang lalaban sa kultura ng kawalang-panagutan, at hindi dapat tanggapin ng kabataan na “normal” ang korapsyon.

Bukod sa panawagan ng pananagutan, isinusulong din ng mga grupo ang mahahalagang reporma gaya ng:

Pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) Bill

SALN Disclosure Bill

Mas mataas na antas ng transparency sa buong proseso ng pambansang badyet.

Samantala, nitong Huwebes, nanawagan ng katahimikan si Mayor Vico Sotto matapos magtapon ng putik, magsagawa ng vandalism, at yugin ng mga nagpoprotesta ang gate ng ari-arian ng pamilyang Discaya.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Sotto:

“Nauunawaan ko ang galit at pagkadismaya ng taumbayan, pero huwag nating daanin sa karahasan o mga aksyong maaaring magdulot ng kapahamakan sa iba.”