Remulla

Garma pumunta ng Malaysia para kausapin ICC, handang tumestigo vs DU30

214 Views

SI Ret. Police Colonel Royina Garma ay handa umanong tumestigo para sa kaso ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, lumabas ng bansa si Garma at bumiyahe pa-Malaysia upang makipag-usap sa ICC.

Nilinaw naman ni Remulla na si dating Senator Antonio Trillanes IV ang kausap nila hinggil sa pag-testigo ni Garma.

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) sa Department of Justice (DOJ) ang pag-alis ni Garma noong gabi ng Setyembre 7, 2025.

Umalis siya bilang turista patungong Kuala Lumpur, Malaysia sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Si Garma ay nasa ilalim ng isang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na may petsang Nobyembre 15, 2024, bilang isang taong may kaugnayan sa isang kaso noong 2020 at isa pa noong 2016.

Sinunod ng BI ang mga alituntunin sa ilalim ng ILBO at iniulat ang insidente sa DOJ. Matapos ang beripikasyon, napag-alamang walang hold departure order o warrant of arrest laban sa kanya.

Sumakay siya sa eroplanong umalis bandang 10:43 ng gabi. Ni JOEL LEGASPI