LTO

License ng 2 ex-DPWH execs ‘di galing sa LTO–LTO

Jun I Legaspi Sep 8, 2025
315 Views

WALANG driver’s license na na-isyu ang Land Transportation Office (LTO) sa dalawang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa anomalya sa flood control projects.

“Pagkakatanggap ko ng impormasyon ukol dito, agad kong inatasan ang hepe ng aming Licensing Division na suriin ang mga driver’s license na ipinakita sa imbestigasyon ng Senado gamit ang mga screenshot mula sa live coverage ng pagdinig.

Batay sa pagsusuri sa aming sistema, walang lisensyang naibigay sa mga pangalang De Guzman, Marvin Santos at Villegas, Joseph Castro na lumitaw sa mga lisensyang pinaghihinalaang peke.

Inatasan ko na rin ang hepe ng aming Intelligence and Investigation Division (IID) na imbestigahan ang insidenteng ito, kabilang ang paglalabas ng Show Cause Order (SCO) sa mga nasabing personalidad,” sabi ni LTO chief Vigor Mendoza II.

Ayon sa LTO chief, tinitiyak nila sa Senate Blue Ribbon Committee ang pakikipagtulungan ng LTO sakaling kailanganin ang kanilang tulong sa anumang imbestigasyon.