Vico

Mayor Vico Sotto: Mag-asawang Discaya, gustong maging state witness para makaiwas sa kulungan

Arlene Rivera Sep 8, 2025
389 Views

LUNGSOD NG PASIG — Sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na malinaw na ang mag-asawang Discaya ay nagtutungo sa direksyong maging “state witness” kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Malinaw na may mga may sala. Pero halatang gustong maging STATE WITNESS ng mag-asawang Discaya. Para hindi sila makulong,” ani Sotto sa kanyang Facebook post nitong Lunes.

Sa isang pagdinig sa Senado nitong Lunes, isiniwalat ng mga kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya ang pangalan ng umano’y sangkot sa katiwalian sa mga flood control projects ng gobyerno.

Naniniwala si Mayor Sotto na ang pagsisiwalat ng mag-asawa ay bahagi ng kanilang estratehiya upang makalusot sa pananagutan at maging state witness.

“Sa pagdinig kanina sa Senado, napansin ko ang maraming hindi tugma sa kanilang mga pahayag. Pinaka-obvious na lang muna: 2-3% lang daw ang kinikita nila kada project… ‘swerte na’ daw kung 5%. Sa iba raw ay lugi pa sila — wow.”

Gayunpaman, ilan sa mga taong pinangalanan ng mag-asawang Discaya ay agad na pinabulaanan ang mga paratang sa parehong pagdinig sa Senado.