Fake

BI chief: Pekeng Pinoy walang puwang sa PH

Jun I Legaspi Sep 9, 2025
369 Views

IGINIIT ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na walang puwang sa Pilipinas ang mga pekeng Pilipino at alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking buo ang integridad ng mga dokumentong Pilipino at pigilan ang pagpasok at pananatili ng mga ilegal na dayuhan.

Kamakailan lang naaresto ng mga BI agents ang tatlong Chinese nationals na natuklasang ilegal na naninirahan sa bansa.

Nahuli sa Bangony, Davao city sina Xu Yonglian, 38; Lin Jinxing, 42; at Cai Xiji, 44, matapos mapatunayang ilegal na nagtatrabaho sa bansa.

Si Xu ay natuklasang nagpapanggap bilang Pilipino at gumagamit ng pangalang Pilipino sa mga transaksyon sa negosyo sa kabila ng pagkakaroon ng working visa na inisyu ng isang kompanya sa Binondo, Maynila.

Samantala, si Lin ay nahuling nagtatrabaho kahit na turista lamang ang kanyang visa. Si Cai naman ay may working visa mula sa ibang kompanya sa Binondo ngunit aktwal na nagtatrabaho sa Davao.

Ang tatlo ay lumabag sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas at agad na inaresto.

Kinumpirma rin ni Viado ang pagtanggap ng kautusan mula sa Regional Trial Court Branch 221 ng Taguig City na nilagdaan ni Presiding Judge Esperanza M. Cortes kaugnay ng kaso ng deportasyon ni Chinese national Chen Zhong Zhen.

Natanggap ng BI ang dokumento noong Setyembre 5. Ipinagkaloob ng nasabing kautusan ang petisyon para sa habeas corpus na inihain ng kampo ni Chen at iniutos ang kanyang pagpapalaya mula sa kustodiya ng BI, dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.

“Ginagalang namin ang desisyon ng korte, ngunit naninindigan kami na may matibay na ebidensya laban kay Chen, batay sa BI biometric records,” ani Viado.

Mananatili si Chen sa kustodiya ng BI hanggang sa tuluyang maresolba ang kaso.