Calendar
Pasig City Mayor Vico Sotto
Vico Sotto binira na kasinungalingan mga sinasabi ng mga Discaya
HINDI nagpaligoy-ligoy pa si Pasig City Mayor Vico Sotto at tinawag na habitual liars ang mag-asawang Discaya, na may-ari ng mga construction firm na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
“Marami nga po tayong na-obserbahan na, you used the term inconsistencies, but I would like to be more direct. Kasinungalingan po talaga at lantarang kasinungalingan po ‘yung sinasabi po nito,” ani Sotto, na tumutukoy kina Pacifico “Curlee” Discaya at asawa nitong si Sarah, mga may-ari ng ilang construction firms na kasalukuyang iniimbestigahan, sa pagdinig ng House Infrastructure Committee.
Ikinuwento ni Sotto, na pumasok sa politika noong 2016 bilang konsehal bago mahalal na alkalde noong 2019, na kilala na ang mga Discaya sa lokal na politika at construction circles nang siya ay unang maupo bilang mayor.
“Pagpasok ko sa politika ay medyo kilala na po sila, ang mga Discaya lalo na ‘yung construction nila na St. Gerrard Construction na ito na nga po ‘yung ginamit nila na parang political party na rin lalo na no’ng 2025 na halalan,” ani Sotto.
Binanggit niya na maraming kuwento ang kumalat tungkol sa kanilang mga transaksyon, ngunit nilimitahan niya ang kanyang testimonya sa mga bagay na personal niyang naobserbahan.
Tinukoy din niya na ang mga imbestigasyon at ulat kamakailan ay naglantad kung gaano kalalim ang pagkakaugat ng construction empire ng mga Discaya.
“What I can say is that they have nine construction firms that we have seen now in the news… of the spouses Discaya where they have used dummies, where they have become huge contractors and all of these nine companies are based in Pasig,” ayon kay Sotto sa komite.
Idinagdag pa niya na halos lahat ng kumpanya ay may mga nakabinbing deficiency sa buwis, ilan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at tiyak din sa lokal na pamahalaan.
“Marami po silang violations recently they have been… Mr. Discaya has been recently convicted of two counts of building code violations so medyo notorious po ito,” pahayag ni Sotto.
Ipinaliwanag ni Sotto na habang nakikilahok pa rin sa local bidding ang mga kumpanya ng Discaya noong siya ay mayor, ito ay dahil mahigpit na ipinatutupad ng Pasig ang open at public bidding.
“Nagsimula sila sa LGU and with regard to the question of the chair kahit noong mayor na ako nangongontrata pa rin sila sa LGU kasi pinapatupad po namin sa Pasig ay strict adherence to the law, which is open and public bidding,” sabi niya.
Bagama’t maliit ang mga kontratang nakuha nila sa Pasig, napansin niya na ang mga kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay umabot sa napakalaking halaga.
“Napag-uusapan po ngayon na P30-31 billion na flood control projects, katunayan flood control projects pa lang po ito. Hindi bababa sa P100 billion ang total contracts po nila sa ating pamahalaan,” kanyang sinabi.
Direkta rin niyang kinuwestyon ang kredibilidad ng mag-asawa, lalo na nang maliitin umano ng kanilang sworn statement ang kanilang kinikita.
“Isang very glaring na kasinungalingan ay ‘yung kahapon (Monday) po ‘no, yung sa sworn statement po nila na 2 percent to 3 percent lang daw ang kinikita nila sa bawat kontrata, eh kahit naman po hindi ka eksperto sa larangan ng construction o engineering, obvious na obvious naman po na kasinungalingan ito,” ani Sotto.
Kinutya rin ni Sotto ang pahayag ng pamilya na may mga pagkakataon umanong nalulugi sila.
“Meron pa po, sabi po nila when Senator Tulfo was questioning them, sabi niya po lugi pa daw siya. Ang bait naman po ng mga ito tumatanggap sila ng kontrata sa gobyerno nagbi-bid sila para malugi,” sarkastikong sinabi ng alkalde.
Upang patibayin ang kanyang punto, inisa-isa ni Sotto ang mga numero na nagpapatunay na imposible ang kanilang pahayag.
“Although alam ko medyo iba po ‘yung logic na ginagamit nila sa universe po nila pero pag tiningnan po natin logically, 2 percent to 3 percent of even P100 billion hindi lang po P2 to P3 billion lang po ito,” diin niya.
“Sila naman po ‘yung nagmalaki at nag-flaunt, pinagyabang po nila ‘yung lifestyle po nila. Sabi nga po nila sa isang interview, 11 digits, sabi po nila ipinagyayabang po nila 11 digits. Sabi ni Mam Sara, 11 digits ang assets nila,” paalala ni Sotto sa komite.
“Nakita po natin isang jade lang sa office nila P100 million na kaagad ‘yun. ‘Yung mga sasakyan if they paid the correct taxes, it would easily reach almost a billion, if not more than a billion. How can you afford that if you are only earning 2 percent to 3 percent profit,” tanong niya.
Sinabi ni Sotto na mismong kanilang mga pahayag sa publiko ang naglantad ng mga kontradiksyon sa kanilang depensa.
“Buti na lang po ang isda ay nahuhuli sa sarili nilang bibig, buti na lang po gano’n sila magsalita in public, nalalaman natin ang mga katotohanan,” aniya.
Nagbabala rin ang alkalde na bagama’t totoo na may katiwalian sa iba’t ibang antas ng pamahalaan, sadyang nililito ng mga Discaya ang isyu sa pamamagitan ng pagbabanggit ng maraming pangalan nang walang ebidensiya.
“Alam naman po ng lahat ng tao sa kuwarto na ito na may guilty na senador, may guilty na congressman, may guilty na DPWH officials, may guilty na contractor, maaaring sa iba pang ahensiya ng pamahalaan, pero sa puntong ito nakikita po natin hindi lang sila basta naglalaglagan. Gusto nila magulo ang kwento, gusto nila lituhin tayo,” ani Sotto.
“Gusto nila na hindi na natin malalaman ‘yung totoo para eventually, mawawala naman na parang bula, magkakalituhan na tayo, hindi na natin malalaman kung alin ang totoo sa hindi, magbabanggit na lang ng kung ano wala naman silang pruweba o ebidensiya,” dagdag niya.
“I think we really have to be careful because in our experience with them, in my experience with them, Mr. Chair, these are people who are really capable of lying without batting an eyelash. We have to be very careful,” pahayag ni Sotto.

