Jinggoy2

Sen. Jinggoy, Joel itinanggi alegasyon ng kickback

316 Views

MARIING pinabulaanan nina Senador Jinggoy Ejercito Estrada at Senador Joel Villanueva nitong Martes ang mga akusasyon na sila’y nakinabang sa umano’y kickback mula sa mga flood control project.

Kapwa nila iginiit na wala silang ginawang ilegal at handa silang sumailalim sa anumang imbestigasyon upang linisin ang kanilang pangalan.

Tinawag ni Estrada na “kasinungalingan” ang mga pahayag ni dating DPWH engineer Brice Hernandez.

“I am confident that I have not committed any illegal act… If Mr. Hernandez truly stands by his allegations, I challenge him right now to take a lie detector test with me,” ani Estrada sa press conference.

Dagdag pa niya, “Yes, sasampahan ko ng kaso yan,” ngunit ipinaliwanag na kokonsultahin muna niya ang kanyang mga abogado bago magsampa ng reklamo.

Binigyang-diin ni Estrada na ang lahat ng flood control projects ay bahagi ng pambansang badyet. “Lahat yan line item yan sa GAA… Anybody can choose those line items at bintang sa mga senador,” paliwanag ng senador.

Aniya, ang tinukoy na “P55 million” ay para sa Bulacan, at proseso ng kaniyang staff ang pag-apruba base sa mga kahilingan ng lokal na opisyal.

Pinabulaanan din niya ang koneksyon sa mga umano’y middleman: “Hindi ko siya kilala… Siguro I met him once or twice but never an acquaintance.”

Sa usapin kay “Beng Ramos,” nilinaw ni Estrada: “Since 2004… wala akong Beng Ramos na empleyado. She was never my staff.” Dagdag pa niya, “Staff siya sa Blue Ribbon Committee… naging girlfriend siya ng isang staff ko,” at sinabing imumungkahi ang pagtanggal dito.

Samantala, binigyang-diin ni Villanueva na wala siyang flood control project kailanman sa Bulacan at pinabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanya sa isang privilege speech.

“Wala po ako kailanman naging flood control project… I will never betray my principle, I will never ever destroy the name that was given to me by my parents,” ani Villanueva sa plenaryo.

Pinabulaanan din niya ang mga larawang iniharap sa Kamara na nagpapakita ng umano’y pag-uusap nila ni dating DPWH district engineer Henry Alcantara.

Ipinunto ng senador na lumabas lamang ang kanyang pangalan dahil may hawak siyang mga sinumpaang salaysay ng ilang tauhan ng DPWH sa Bulacan.

“Alam ko po kung bakit lumabas ang pangalan ko. Kahapon po, may hawak po akong mga affidavits ng mga taga-DPWH sa Bulacan.” Nangako siyang isusumite ang mga ito sa Senado: “Sa mga susunod na pagdinig, ibibigay ko po lahat ng aking nalalaman, wala rin po akong sasantuhin.” ani Villanueva.

Ipinakita rin ni Villanueva ang isang video na noon pa’y kinukuwestiyon na niya ang palpak na implementasyon ng mga flood control project sa Bulacan, na sa katunayan ay patunay umano na matagal na niyang binibigyang-diin ang problema.

Kapwa rin kinuwestiyon ng dalawang senador ang kredibilidad ni Hernandez.

Ayon kay Estrada, “May record ang Blue Ribbon Committee… yung mga losses niya sa casino. Saan niya kinukuha ang pera?”

Dagdag naman ni Villanueva, posibleng ganti ang motibo ng pagdawit sa kanya dahil hawak niya ang opisyal na mga affidavit.

Sa huli, kapwa nagpahayag sina Estrada at Villanueva ng kahandaang sumailalim sa anumang imbestigasyon ng lehislatura. “I really want to ferret out the truth… sino talaga ang main culprit,” ani Estrada.

Samantala, binigyang-diin ni Villanueva: “Wala rin po akong sasantuhin at handa umano siyang humarap kahit saan man dahil ito umano ay pawang kasinungalingan lamang..”