Hernandez4 Brice Ericson Hernandez

Estrada, Villanueva may 30% SOP sa baha projects — ex-DPWH opisyal

425 Views
Jinggoy1
Sen. Jinggoy Estrada
Villanueva
Sen. Joel Villanueva

PINANGALANAN ng dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagdinig ng House Committee on Infrastructure (Infra Comm) sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva na nakinabang umano sa halos P955-milyong flood control projects sa Bulacan, kung saan kumuha umano sila ng 30 porsiyentong standard operating procedure (SOP).

Sinabi ni Brice Ericson Hernandez, dating assistant district engineer ng DPWH Bulacan First District Engineering Office, na nagpasiya siyang ilantad ang kanyang nalalaman matapos na makapagisip-isip habang nakakulong matapos na ma-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes.

“Habang ako po ay naka-detain, nakapagisip po ako at nagdesisyon na maglabas ng ilang nalalaman ko sa flood control project base po sa aking matatandaan sa ngayon,” ani Hernandez sa simula ng kanyang testimonya.

Ayon sa kanya, tama ang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na ginagamit umano ang mga engineer ng DPWH bilang “legmen o bagmen.”

“Tama po si Sen. (Panfilo) Lacson na ang mga engineers ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang. Kung tatanungin n’yo po ako kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon,” ayon sa dating opisyal ng DPWH.

Pinangalanan ni Hernandez sina Estrada at Villanueva, pati na rin si DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at si Henry Alcantara, dating district engineer ng DPWH Bulacan First District na tinanggal sa puwesto, bilang umano’y nakatanggap ng pondo.

“At ang sabi ng boss ko dito ay 30 percent ang commitment dito,” dagdag ni Hernandez, patungkol sa umano’y kickback mula sa proyekto.

Ibinunyag niya na P355 milyon sa mga proyekto ay konektado umano kay Estrada, kabilang ang pagtatayo ng flood mitigating structures na may pumping stations at floodgates sa Barangay Mercado at Iba sa Hagonoy (tig-P60M), P45M na proyekto sa Mambog Creek, Malolos; P50M sa Calero Creek, Malolos; P60M na istruktura sa Barangay Meyto, Calumpit; P40M sa Santo Rosario Creek, Malolos; at P40M sa Barangay Carillo, Hagonoy.

“Nagbaba po si Sen. Jinggoy at ang kanyang SOP dito ay 30 percent as per our District Engineer Henry Alcantara. Dini-deliver ito no’ng lumabas ang mga item na ito sa GAA (General Appropriations Act),” ani Hernandez, dagdag pa niya, ang mga drayber ng DPWH ang nagdadala ng pera.

Samantala, P600 milyon na inilabas noong 2023 ay iniuugnay niya kay Villanueva, na pawang proyekto para sa river flood mitigation structures sa Balagtas at Bocaue, Bulacan, tig-P75 milyon bawat isa.

“Noong 2023 naman naglabas ng P600M si Sen. Joel Villanueva at ang SOP nito ay 30 percent din,” ani Hernandez, at iginiit na ang pera ay idinaan din kay Alcantara at dinala sa bahay ni Villanueva sa Bocaue.

Dagdag pa ni Hernandez, kumukuha umano si Alcantara ng hindi bababa sa 3 percent mula sa lahat ng proyektong dumaraan sa district office at naniningil din ng karagdagang 2 percent bilang “finder’s fee” mula sa mga contractor na naghahanap pa ng proyekto.

Pinangalanan din niya si dating DPWH construction engineer JP Mendoza at si Bernardo bilang mga kasangkot umano sa paghahatid ng pera.

Ang Infra Comm, na binubuo ng mga komite sa Public Accounts, Public Works and Highways, at Good Government and Public Accountability, ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga ghost at substandard flood control projects na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagbunyag.

Sa naturang imbestigasyon, nagbitiw na ang mga opisyal ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), binawi ang mga lisensiya ng mga kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya, at sinibak ang ilang opisyal ng DPWH na nasangkot sa mga maanomalyang proyekto sa Bulacan.

Nagharap na rin ng kaso ang DPWH at Commission on Audit (CoA) laban sa mga nasangkot na contractor at kanilang mga kasabwat.

Iginiit ni Hernandez na handa siyang magsiwalat ng mas marami pang impormasyon sa tulong ng kanyang mga abogado.

“Pasensya na po. Ito pa lang ang aking masasabi sa ngayon. Mabigyan lang po ako ng sapat na oras at pagkakataon na makausap ang mga abogado. Handa na po akong maglabas ng lahat ng nalalaman ko pa,” saad pa niya sa joint panel.

Ebidensiya vs 2 senador

Nagpresinta si Hernandez ng mga ebidensiya upang iugnay sina Estrada at Villanueva sa mga flood control project sa Bulacan.

Bilang suporta sa kanyang testimonya, ipinakita ni Hernandez ang larawan nina Estrada at Alcantara na kuha sa birthday party ng senador sa Solaire Resort Hotel.

“To be honest, Your Honor, I do not know when this picture was taken but I’m just trying to show that Mr. Alcantara, Engineer Henry Alcantara and Sen. Jinggoy Estrada have met a couple of times already,” ani Hernandez.

Nang tanungin kung sa kanyang palagay ay mukhang malapit ang dalawa, sagot ni Hernandez: “They appear super close, Your Honor.”

Nagprisinta rin si Hernandez ng mga larawan ng bungkos ng pera na aniya’y inihanda para ipamahagi.

“Your Honor, hindi ko alam kung sino. Basta kami inutusan nilang ayusin ang mga pera. Itong amount na ito para sa ganito, ‘ihanda mo diyan, may pagbibigyan niyan.’ Ganoon lang, sine-segregate namin ang mga pera,” sabi ni Hernandez.

“As far as my knowledge is concerned, ibibigay po ‘yan sa tao. ‘Yung tinatawag na proponent na kausap niya,” dagdag pa niya.

Sinabi niya na hindi na niya maalala kung sino ang mga tatanggap ng pera dahil ilang taon na ang nakalipas nang kuhanan ang larawan. “So ‘yan po pina-prepare ang mga pera for delivery with regards sa proponent na kausap ni Boss Henry Alcantara,” aniya.

Nilinaw ni Hernandez na ang mga larawang kuha ng pera ay hindi sa district engineering office kundi sa isang pribadong bahay na ginawang tambayan.

“Private residence siya na nilagyan ng biliyaran para we can hang out after office hours. Ganoon po, within the vicinity of our office,” aniya.

Tinapos niya ang presentasyon sa pamamagitan ng mga larawan ng Viber conversation na aniya’y nag-uugnay kay Villanueva sa mga kuwestiyonableng proyekto.

Dahil naka-set sa disappearing messages ang mga ito, sinabi ni Hernandez na ang mga screenshot ay kinuha mula sa cellphone ni Alcantara ng isa pang engineer.

Kinumpirma ni Engineer JP Mendoza, opisyal ng DPWH, ang pagiging totoo ng mga larawan at sinabing ang “Sen. Joel” sa chat ay si Villanueva.

Binasa ni Mendoza ang nilalaman ng usapan para maisama sa record matapos hingin ang seguridad, na agad namang ipinagkaloob ng komite.

Sinabi ni Mendoza na ang mga larawan ay kuha noong Oktubre 2023 at nagpapakita umano na humihingi si Villanueva ng mga alokasyon na kaugnay ng flood control projects na naunang tinukoy ni Hernandez.

“Sir, ‘yung picture po na ‘yan ay noong October 2023 na kung saan nagre-request po si Sen. Joel na ‘yung mga binasa po ni Engineer Bryce ng flood control kanina,” sabi ni Mendoza.

“Parang sa summary po na ‘yan na sinasabi ni Sen. Joel na mababa lang ‘yung kanyang pondo subalit siya ang Majority Floor Leader at member siya ng Commission on Appointments,” dagdag niya.

Nang tanungin para kumpirmahin, sagot ni Mendoza: “Yes, Your Honor, this is Sen. Joel Villanueva.”

Idinagdag pa niya na ang mga mensahe ay tumutukoy rin sa isang “Sec,” na kinilala bilang noon ay DPWH Secretary Manuel Bonoan, at para kay Alcantara.

Ipinaliwanag ni Mendoza kung bakit kinuhanan ng litrato ang usapan: “Dahil disappearing message po ‘yan, hindi po niya pwedeng screenshot, pina-picture-an po niya para mabasa po.”

Ang disappearing message ay isa sa mga feature ng viber messaging app.

Ayaw bumalik sa Senado

Nakiusap si Hernandez sa Kamara na huwag na siyang ibalik sa Senado, matapos niyang ihayag na may mga senador umanong sangkot sa maanomalyang flood control projects.

“Puwede ho bang ‘wag n’yo na po ako ibalik sa Senate, Your Honor, kasi may mga involved pong senador dito at hindi ko po alam ang magiging kapalaran ko kung ibalik n’yo ako doon,” pakiusap ni Hernandez sa pagdinig ng Infra Comm nitong Martes.

Noong Lunes, si Hernandez ay na-cite in contempt sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaya ikinulong ito.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Hernandez na sa kanyang dating boss na si Alcantara napupunta ang mga kahon-kahong pera mula sa mga ghost at substandard projects na iniiwan sa kanyang opisina.

“Hindi ko po alam kung sa kanya napunta lahat ‘yun pero siya po nagpakuha lahat ng pera na nakakahon na ‘yun,” ayon pa kay Hernandez bilang tugon sa tanong ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr.

Nang tanungin kung si Alcantara lamang ang tumanggap ng pondo, inamin ni Hernandez na hindi niya kayang pangalanan ang iba dahil sa takot sa kanyang buhay at pamilya.

“Siyempre natatakot din po ako sa buhay ko at sa pamilya ko kasi hindi naman po birong tao ‘yung mga taong involved dito,” dagdag pa ng dating opisyal ng DPWH.

Tiniyak naman ni Garbin ang proteksiyon ng komite kay Hernandez. “Engineer Hernandez, you will be protected by this committee as long as you will say the truth,” ayon kay Garbin.

Ang Infra Comm ay nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga ghost at substandard flood control projects na kinasasangkutan ng DPWH First District Engineering Office at mga contractor gaya ng SYMS Construction Trading, St. Timothy Construction, at Wawao Builders.

Naghain na rin ng kaso ang DPWH at ang CoA laban sa mga contractor at kasabwat na nasangkot sa kontrobersya.