Ridon Bicol Saro Rep. Terry Ridon

Infra Comm binira testimonya ng mga Discaya sa Senado

374 Views

NAGPAHAYAG ng pagdududa ang House Committee on Infrastructure (Infra Comm) sa kredibilidad ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya sa kanilang ibinigay na testimonya sa Senado tungkol sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

Nasa sentro ng imbestigasyon ng Kamara ang mag-asawang Discaya, may-ari ng St. Gerard Construction at iba pang kumpanya, kaugnay ng mga ghost at substandard flood control projects na mismong ibinunyag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa testimonya nila sa Senado, isinangkot ng mag-asawang Discaya ang ilang mambabatas, kaya’t lalong lumakas ang panawagang ipaliwanag nila ang mga hindi tugmang pahayag.

Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, lead chair ng Infra Comm, dapat suriin ang pagyaman ng mag-asawang Discaya mula sa panahon ni Aquino, sa pagiging malalaking kontratista sa ilalim ni Duterte, hanggang sa patuloy na impluwensiya nila sa administrasyong Marcos.

Ayon kay Ridon, may tatlong malaking butas sa testimonya ng mag-asawang Discaya sa Senado: una, wala silang naipakitang ledger ng mga payoffs bago ang 2022; ikalawa, iginiit nilang walang senador ang sangkot; at ikatlo, inangkin nilang maliit lamang ang kanilang kita sa kabila ng hayagang pagpapakita ng karangyaan.

“Pagpapaliwanagin sila sa tatlong malalaking butas ng kanilang testimonya sa Senado: Una, na wala silang ledger ng mga bigayan sa mga politiko bago ang 2022,” ani Ridon.

Ayon pa sa kongresista: “Pangalawa, na walang kahit isang senador na sangkot sa bigayan ng pera para sa mga proyekto. Pangatlo, na maliit lang ang tubo ng kanilang kumpanya sa mga proyekto sa gitna ng napakarangyang pagpapakita ng kayamanan sa buong bayan.”

Matapos mabunyag ang mga iregularidad sa pagdinig ng Kamara, pinatawan ng parusa ang mag-asawang Discaya at binawi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lahat ng kanilang lisensiya.

Nagharap din ng kaso laban sa kanila at sa kanilang mga kasabwat ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Commission on Audit (COA), habang ilang opisyal ng DPWH na nasangkot sa ghost at substandard projects sa Bulacan ay tinanggal na sa puwesto.

Giit ni Ridon, magpapatuloy ang komite sa pagtugis sa mag-asawang Discaya at kanilang network, at ang lahat ng matutuklasan ay isusumite sa Independent Commission na itatatag ni Pangulong Marcos.

“Alam at dama ng komite ang nagpupuyos na galit ng bayan sa korapsyon ng flood control projects. Kaya mahalaga sa amin ang pagpapanagot ng mga sangkot at paglalatag ng reporma para wakasan ang korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura,” ayon kay Ridon.

“Kaya mahalaga rin sa amin na gawin ang pagsisiyasat nang tama, masinop at matapang. Dahil higit sa lahat, ang pinakamahalagang pagpapasiya, higit pa sa opinyong publiko sa kasalukuyan, ay ang pagpapasiya ng kasaysayan,” dagdag pa ng mambabatas.